PROVINCE of Davao del Norte — Magkatuwang maging sa paglangoy ang siyang ipinamalas ng magkapatid na sina Lorah Micah Amoguis at Liaa Margarette Amoguis ng Davao City matapos na kapwa mag-uwi ng ginto buhat sa sa kani-kanilang magkahiwalay na event sa swimming kahapon sa ikatlong araw ng kompetisyon ng 2019 Batang Pinoy Mindanao Leg na ginaganap sa Davao del Norte Sports Complex dito.
Nakuha ng 13-anyos na si Lorah ang ginto buhat sa Girls 13-15 200m individual medley sa kanyang 2:35.06 oras habang ang kanyang kapatid na si Liaa ay nagreyna naman Girls 11 200m individual medley sa oras na 2:39.06.
Ayon sa magkapatid, hindi nila alintana kung sino sa kanila ang magwawagi, gayung suportado nila ang karera ng bawat isa.
“We support each other in competition and in training,” sabi ng nakatatandang Amoguis.
“We motivate each other, to perform better everytime we compete,” dagdag pa ng panganay na si Lorah.
Hindi na bago ang panalo sa magkapatid na Amoguis gayung nagpakitang gilas din ang dalawa sa nakaraang edisyon ng Davao Regional Athletics Association (DAVRAA) nitong nakaraang buwan kung saan nakakuha ng anim na ginto si Liaa at apat naman si Lorah.
Naglaro rin sila sa nakaraang BIMP-EAGA na ginanap sa Brunei nitong nakaraang taon habang nanalasa rin ang magkapatid sa nakaraang edisyon ng Batang Pinoy noong 2018 sa Oroquieta at maging sa National Finals.
Nag-uwi rin ng medalya ang nakatatandang si Lorah buhat naman sa Palarong Pambansa dahilan kung bakit kinatatakutan ang magkapatid sa larangan ng swimming.
Sa boys, 13-15 200m individual medley, nakuha ni John Alexander Michael Talosig ng North Cotabato ang ginto sa kanyang naitalang 2:19.74 oras. Pilak naman ang nauwi ni Eryk John Omandam ng Davao del Norte sa 2:24.69 oras habang ang tanso ay napunta kay Albren Jan Dayapdapan ng Dipolog City na may 2:25.78.
Sa Arnis, ay nagpamalas din ng galing ang magkapatid na sina Princess Sheryl Valdez at Shena May Valdez ng Tacurong City kung saan tigalawang ginto naman ang kanilang nasungkit at posibleng madagdagan pa.
Nakuha ni Princess ang kanyang ginto sa girls individual weapon, at isa sa individual two weapons, habang ang kaptid na si Shena May naman ay nakakuha ng ginto sa junior team open weapon event at sa cadet team open weapon event.
Ang 12-anyos na si Princess ang siyang tinanghal na most bemedalled athlete sa 2018 Batang Pinoy Mindaneo leg na ginanap sa Oroquieta at nakaapat na ginto naman sa 2018 Palarong Pambansa sa Vigan.
Sa Sepak Takraw girls regu, nakuha ng General Santos City ang ginto habang ang pilak ay napunta sa Davao City at ang tanso ay nauwi ng South Cotabato.
Nagwagi naman ng ginto sa boys Regu ang Pagadian City, ang pilak ay nahablot ng General Santos City at ang tanso ay nauwi ng Davao del Norte.
Kasalukuyan namang nakikipagbuno pa sa ibang events ang mga batang atleta sa siyam na araw na kompetisyon na proyekto ng Philippine Sports Commission (PSC) at suportado ng STI at Alfalink Total Solutions.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.