Koronadal archer naka-7 gold sa Batang Pinoy Mindanao qualifier | Bandera

Koronadal archer naka-7 gold sa Batang Pinoy Mindanao qualifier

- February 08, 2019 - 06:55 PM

JOHN Carlo Margarito Loreno ng Koronadal City. PSC PHOTO

2019 Batang Pinoy Mindanao Leg Medal Tally (LGU – Golds+Silvers+Bronze = Total Medals)
Davao City (42+31+47 = 120); General Santos City (21+25+27 = 73); Koronadal City (21+10+6 = 37); Davao del Norte (20+21+18 = 59); Cagayan de Oro (20+16+34 = 70); South Cotabato (19+22+19 = 60); Cotabato Province (19+13+ 9 = 41 ); Zamboanga City (14+14+21 = 49); Tacurong City (13+9+7 = 29); Tagum City (10 9+9 = 28)

DAVAO del Norte – Tuluyang itinala ni John Carlo Margarito Loreno ng Koronadal City ang perpektong kampanya matapos nitong sungkitin ang kanyang ikapitong gintong medalya sa archery sa ginaganap na 2019 Mindanao Qualifying Leg ng Philippine National Youth Games-Batang Pinoy Biyernes ng umaga dito.

Kinolekta ni Loreno ang kanyang ikapitong gintong medalya sa panghuling event na Olympic Round sa pagbigo kay Mycel Magallanes ng MACO Compostella Valley sa ginanap na “first to hit six points” na labanan kung saan nagawa nitong maitala ang pampanalong iskor sa huling set sa iskor na 7-2.

“Masayang-masaya po dahil nagawa ko po magtala ng record para sa probinsiya namin sa Koronadal,” sabi ng 15-anyos na si Loreno na unang archer sa probinsiya na nagawang magwagi ng pitong gintong medalya at perpekto na maitala ang panalo sa lahat ng mga distansiya.

Tanging nakawala kay Loreno ang dapat sana na ikawalong ginto kung saan hindi nakasali ang team event dahil sa kakulangan ng mga kalahok na koponan sa torneo na inoorganisa ng Philippine Sports Commission para sa mga atletang edad 15-anyos pababa at torneo na suportado ng STI College-Davao del Norte at Alfalink Total Solutions.

Una nang nakuha ni Loreno ang mga ginto sa 30m, 40m, 50m, 60m, Single FITA at Mixed team bago nito itinala ang ikapitong ginto sa panghuling event na Olympic Round.

“Huli ko na po na Batang Pinoy ito kaya po nagpapasalamat ako dahil nakagawa ako ng record dito sa tournament at sana po makayanan ko pa manalo sa national finals,” sabi ng 15-anyos na Grade 9 student sa Koronadal National Comprehensive High School.

Maagang nagdiwang ang tropa ng Koronadal dahil inakala nila na nakuha na ni Loreno ang ikapitong ginto sa pagsasagawa ng victory pose bago biglang iaanunsyo ng mga opisyales na tabla ang laban at kailangan pa ng huling tira.

Gayunman, hindi binigo ni Loreno ang kanyang amang coach na si Rolly Loreno nang selyuhan nang tuluyan ang huling tira sa Olympic round para tanggalin ang pag-asa ng kalaban na si Magallanes habang nagtapos sa tanso si Christian Malunes ng Digos City.

“Akala ko po talaga tapos na. Kaya nagpa-picture na po ako, pero noong sinabi na isa pa, eh nilaro ko na lang po. Buti na lang at naipanalo ko pa rin po ‘yung last shot,” sabi ni Loreno.

Bukod kay Loreno, nag-ambag din ng limang gintong medalya at isang pilak ang teammate na si Precious Micah Basadre na dinomina ang Cadet Girls 60m event sa 6-2 panalo kontra Ynjel Mikaella Gimena ng Zamboanga City na nag-uwi ng pilak at ang ikatlo na si Micah Paulina Limlengco ng Davao City.

Lubos ang pasasalamat ni Basadre sa ama at coach na si Florentino Basadre Jr. sa suportang ipinapamalas nito gayundin ang pamahalaang lungsod ng Koronadal.

“First of, I dedicate this game to my Papa, kasi he’s always there for us. Malaki po ang impluwensya niya for me sa pagiging player ko sa archery. And also our Mayor, Peter Miguel, na laging nakasuporta po sa aming mga atleta,” sabi ng 15-anyos na si Basadre.

Sa swimming, nakakuha ng limang gintong medalya si John Alexander Michael Talosig ng North Cotabato matapos na pagharian ang kanyang huling event na 400m freestyle sa 4:28.85 tiyempo, kasunod si Alteddy James Sumaoy ng Davao del Norte (4:34.52) at Leonardo Dalman III ng Dipolog City (4:42.97).

Nag-uwi rin ng ikalimang ginto si Liaa Margarette Amoguis sa pagwawagi sa 200m butterfly, 200m freestyle at 4x50m relay kasama ang kapatid na si Lorah.

Dalawang ginto naman ang inuwi ni Jeanky Damina ng General Santos sa athletics sa pagwawagi nito sa girls high jump (1.35m) at girls 800m run (2:11.54) at Febie Joy Mancera ng Hagonoy, Davao del Sur sa pagwawagi sa girls discus throw (28.28m) at girls shotput (9.66m).

Unang nakakuha ng dalawang ginto sa athletics si Aaron Gumban ng Sto. Tomas, Davao del Norte sa pagwawagi sa 2000m steeplechase sa pagtala ng 7:06.11 oras matapos iuwi ang unang ginto sa 5000m run.

Tuluyan na rin lumayo para sa pangkalahatang kampeonato ang Davao City na kinolekta ang 42 ginto, 31 pilak at 47 tanso para sa kabuuang 120 medalya habang nasa likod nito ang General Santos City na may 21 ginto, 25 pilak at 27 tanso para sa kabuuang 73 medalya at ang Koronadal City na may 21 ginto, 10 pilak at 6 tanso para sa kabuuang 37 medalya.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

 

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending