HINDI na bago ang mga kasong kinasasangkutan ng mga OFW sa ibayong dagat lalo pa at humiyaw ang mga ito na, na-frame-up lamang umano sila.
Ganyang-ganyan ang kaso ng isang OFW sa Hongkong matapos itong ireklamo ng kaniyang employer na nagnanakaw ng kaniyang mga dolyar sa kanyang “safe box.”
Dinala nito ang reklamo sa korte lakip na ang serial numbers ng mga dolyar na nawawala. Pero matapos ang masusing pagsusuri ng hukom, nabigong mapatunayan ng employer kung paanong nabuksan ng OFW ang kanyang safe.
Buwelta ng OFW sa kaniyang amo, na-frame up lamang umano siya nito. Totoo ang ganiyang mga sitwasyon saan man naroroon ang OFW sa iba’t-ibang panig ng mundo.
May mga OFW kasi na gusto nang umalis sa kanilang mga employer. Tulad na lamang sa Saudi Arabia, maaaring hindi nila matiis ang pagtrato sa kanila. Kung hindi man tumakas, magpapaalam ang mga ito.
Natural, hindi magugustuhan iyon ng kanilang amo. Galit silang aalis ang OFW.
Pagpaplanuhan naman nila iyon. Sa araw na paalis na ang OFW, sasamantalahin nila ang pagkakataon na lagyan ng personal nilang mga gamit ang maleta ng OFW.
Lalagyan nila iyon ng ilang piraso ng alahas at pera.
Bago pa man makalabas ng bahay ang OFW, nakatawag na sila ng pulis at nag-report na pinagnakawan umano sila.
Kaya naman laking- gulat ni kabayan dahil hindi pa nga siya nakakalabas ng pinto, nariyan na ang mga pulis at hinuhuli siya.
Sasabihin ng amo na ninakawan siya ng naturang OFW saka ipa-iinspeksyon ang kanyang maleta.
Kampante naman ang OFW na walang makikita sa kanyang maleta dahil personal siyang nag-empake ng kaniyang mga gamit.
Nakasisiguro siyang wala siyang ninakaw sa kanyang amo.
Kaya hinamon pa niya ang mga pulis na buksan ang kanyang mga bag kung may makukuha nga sila. Hindi niya alam na may naisingit na pala ng amo ang ilang piraso ng alahas at pera nito.
Kaya naman gulat na gulat ang OFW kung paanong naroroon sa kaniyang bag ang ibinibintang na ninakaw daw niya. Sa halip na pabalik na sana ng Pilipinas, sa kulungan ang diretso ni kabayan.
Pero kapag dinidinig na ang ganitong klase ng mga kaso, kabisadong-kabisado na ng mga embassy at consulate officials ng Pilipinas kung paanong ilalaban ang OFW.
Kadalasan kasi, frame-up lang talaga ang mga iyon. Sinasadya ng mga employer na ibintang sa mga OFW ang kasong pagnanakaw dahil sa galit nila sa mga ito na aalis na at iiwan na sila. Kahit pa ang mga hukom, alam nila ang modus na ito kung kaya naaabsuwelto rin sa bandang huli ang ating kabayan.
Kung magaling at matino kasi ang OFW, kahit tapos na ang kontrata, ayaw nilang payagang umuwi. Kung hindi naman magaling, bago nila palayasin, pagbibintangan din nila ng kung ano-ano. Kaawa-awang mga kababayan natin, palagi na lang ginigipit!
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: [email protected]/ [email protected]
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.