Mayoralty bet dakip sa most wanted na bodyguard, armas
DINAMPOT ng mga pulis ang isang kandidato sa pagka-alkalde sa Batangas, Huwebes ng gabi, para sa pagtatago sa isang most wanted person, na nagsisilbi umano bilang kanyang bodyguard.
Dinakip si Lester De Sagun, 40, residente ng bayan ng San Nicolas at mayoralty candidate doon, sabi ni Chief Supt. Edward Carranza, direktor ng Calabarzon regional police.
Naaresto din ang bodyguard na si Miko Michael Caguitla, 26, residente ng Candelaria, Quezon, na number 2 sa mga most wanted person sa rehiyon, aniya.
Nahaharap si Caguitla sa warrant of arrest para sa kasong murder na inisyu ng Regional Trial Court Branch 53 sa Lucena City, Quezon, noong Oktubre 26, 2016, ani Carranza.
Kasama ni De Sagun si Caguitla sa isang Mitsubishi L200 pick-up (DNV-778) nang maharang ng mga alagad ng batas mula Quezon, Batangas, at regional police, dakong alas-10:20 sa Brgy. Bagong Sikat, Lemery.
Dinampot din ang mga kasama nilang sina Vicente Andal, 53, at Exequiel Caringal Jr., 59, kapwa residente din ng San Nicolas.
Nakuhaan si Caguitla ng body bag na may kalibre-.9mm pistolang kargado ng pitong bala at isang ammo box na may 27 bala.
Nakumpiska naman si Andal ng kalibre-.45 pistola na may pitong bala, at bag na may dalawang magazine na kargado ng tig-10 bala at tatlo pang bala.
Si Caringal nama’y nakuhaan ng isang kalibre-.9mm Uzi sub-machine pistol na may 20 bala, at isa pang magazine na may 25 bala.
Hinahandaan sina De Sagun, Andal, at Caringal ng kasong harboring of criminal dahil kasama nila si Caguitla.
Kasama naman nila si Caguitla sa mga hinahandang kaso ng paglabag sa Comprehensive Law on Firearms and Ammunition at election gun ban.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.