Robin napamura sa panawagang iboykot ang pelikula ni Gen. Bato
HINDI nagsisisi si Robin Padilla na ginawa niya ang pelikulang “Bato: The General Ronald dela Rosa Story”. Muntik na kasi niya itong tanggihan dahil sasabay sa Bangsamoro Organic Law plebiscite.
Kaibigan ni Binoe si Gen. Bato dela Rosa at suportado niya talaga ang lahat ng laban nito kontra kriminalidad, kaso nu’ng inalok sa kanya ang bioflick ng heneral ay may ginagawa siya kaya nga noong Nobyembre lang sinimulan ang shooting nila.
Sa katunayan ay binanggit niya si Coco Martin na bagay ding bumida sa life story ni Bato pero hindi nagkasundo sa schedule dahil alam din ng lahat na sobrang abala ang aktor sa FPJ’s Ang Probinsyano.
Going back to Robin, hindi raw minadali ang shooting ng “Bato” at maganda ang pagkakagawa nito. Napahanga rin siya nang husto sa mga kamerang ginamit nila.
Aniya, “Sobrang nagpapasalamat po ako kay ALV (Arnold Vegafria, isa sa mga producer ng pelikula) kasi ibinigay po sa amin ang lahat ng teknikal na gamit na mala-Hollywood, naka-anamorphic lens po kami, kung ano po ang ginagamit sa Hollywood, ‘yun po ang ginamit namin.
“Lahat po ng gamit namin Ronin (camera 3- axis stabilized handheld gimbal system). Wala naman po akong masasabi kasi the best stunt team ang ibinigay sa amin headed by tatay Val Iglesias,” pagmamalaki pa ng action star.
Maganda ang pagkakagawa ng pelikula at ipinagmamalaki ito ni Robin dahil siksik sa action at may puso ang kuwento.
Kaya naman hindi maiwasang mapamura ni Robin nang malaman niyang may nagpapaboykot sa kanilang pelikula.
Nabanggit ang pangalan ni direk Lore Reyes na isa raw sa mga hindi sang-ayon sa pagpapalabas ng “Bato” dahil hindi maiiwasang magkaroon ito ng bahid politika. Tatakbo kasi si Bato sa pagka-senador ngayong darating na Mayo.
Naikuwento ito ng katotong Pilar Mateo kay Robin kaya nalungkot ang aktor. Aniya, “Ano ba naman ‘tong mga taong ito? E, artista kami! Bakit isinasama n’yo ibo-boycott n’yo ang kasama n’yo sa pelikulang Pilipino?
“Dahil lang sa pulitika? Ganu’n na ba tayo kababaw na? Sabi ko, ‘tong mga taong ito, alam n’yo minsan dapat ang pagkakaintindi natin sa isang bagay, malawak.
“Ang politika sa buhay natin, dapat parte lang. Hindi ‘yung ibubuhay mo araw-araw. Paggising mo pa lang, pulitika agad? Fu**k that, man!
“Meron tayong mga trabaho sa buhay natin, artista tayo, direktor sila. Trabaho lang ‘to! Sana bago nila husgahan ang pelikula ni Bato, panoorin muna. Tingnan muna kung gaano kaganda ang pelikula,” masama ang loob na pahayag ni Robin.
Anyway, binanggit ng aktor na hindi niya totally ginaya si Gen. Ronald dela Rosa sa pelikula, pero ipinakita nila ang pinagmulan at mga hirap ng heneral bago siya naging PNP chief.
Ani Binoe, “Sabi ko, ‘Direk, hindi po ako impersonator ni Bato. Artista po ako. Ayokong gagayahin natin ‘yung mga ganito, ganyan. Hindi ko po kaya ’yun.
“Kailangang bigyan mo rin ako ng 50%, sarili kong interpretation at kung sino si Bato. Kasi, kung gagayahin natin si Bato talaga, eh, kumuha tayo ng talagang kamukha niya,” paliwanag ng aktor.
Sa Enero 30 na mapapanood ang “Bato: The General Ronald dela Rosa Story” under ALV Films, BENCHingko at iri-release ng Regal Entertainment sa direksyon ni Adolf Alix, Jr.
Kasama rin sa pelikula sina Efren Reyes, Jr., Mon Confiado, Joko Diaz, Jun Hidalgo, Gardo Versoza, Jess Mendoza, Alvin Anson, Ricky Davao at Gina Alajar.
May mahahalagang papel din sa pelikula sina Beauty Gonzales, Archie Alemania, Kiko Matos, Chanel Morales, Polo Ravales at Kiko Estrada.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.