Barbie, Mika dumaan sa iba’t ibang klase na hirap sa ‘Kara Mia’ ng GMA
HINDI pa man nagsisimulang umere ang bagong fantasy-drama series ng GMA 7 na Kara Mia ay matinding ingay na agad ang ginawa nito sa social media.
Matapos kasing mag-viral ang trailer ng upcoming Kapuso series ay sunud-sunod na ang pagkalat ng mga memes ng Kara Mia, lalo na ang panggagaya sa itsura ng mga bidang sina Barbie Forteza at Mika dela Cruz – na may dalawang ulo pero iisa ang katawan.
In fairness, mahigit 1 million views agad ang nakuha ng Kara Mia trailer ilang araw lang matapos i-upload ang trailer sa official Facebook page ng GMA Network. Sandamakmak na rin na memes ang nag-viral sa social media kabilang na ang mga video kung saan may kanya-kanya ring pasabog at paandar ang mga netizens.
Kahapon, nakachikahan namin sina Mika at Barbie kasama ang kanilang mga leading man na sina Jak Roberto at Paul Salas at lahat sila ay excited na rin sa pagsisimula ng bago nilang serye sa GMA Telebabad ngayong darating na Pebrero.
Ayon kina Barbie at Mika matinding challenge ang kinakaharap nila every taping day ng KM, kung saan gaganap nga silang kambal na mabubuhay sa isang katawan.
Si Barbie ang gaganap na Kara, ang mabait at mapagkalingang kapatid habang si Mika naman ang bubuhay sa karakter ni Mia, ang mukha sa likod ng ulo ni Kara na makakaramdam ng galit sa kakambal sa kanilang pagdadalaga na mauuwi sa matinding selos.
Kahit na may pagka-fantasy ang kuwento ng Kara Mia, ang itsura nina Barbie at Mika sa serye ay ibinase sa tunay na kuwento mula sa India at sa isang urban legend sa Great Britain na tumatalakay sa buhay ng magkapatid na babae na ipinanganak na may “Disprosopus” o ang “craniofacial duplication”, isang congenital defect na may dalawang ulo pero iisa ang katawan.
Hanggang ngayon ay hindi pa rin maipaliwanag ang sinasabing “rarest malformations in humans”.
Ayon kay Barbie, ito na yata ang pinaka-challenging na role na ginawa siyasa teleserye dahil bukod sa hirap ng mga eksena, kailangan din daw busisiin nang bonggang-bongga ang technical aspect nito.
“Iba’t ibang klase siya ng hirap, kasi paulit-ulit ‘yung eksena dahil nga iisa lang ang ulo namin ni Mika, kaya mas technical. Hindi siya yung prosthetic, hindi siya yung make-up, ‘yung mismong eksena talaga naming dalawa,” paliwanag ni Barbie.
Hirit naman ni Mika, “Nu’ng binabasa ko pa lang ‘yung script, alam ko nang magiging mahirap lahat ng eksena. Physically demanding siya sa amin ni Barbie kasi kailangan yung sukat laging perfect. Pero looking forward kami palagi sa mga gagawin naming scenes kasi ang sarap din sa feeling na excited ka lagi to do something new.”
Siyempre, nagpapasalamat sila sa buong production ng Kara Mia dahil mahirap din ang trabaho ng mga nasa likod ng camera lalo na ang direktor nilang si Dominic Zapata. Kung doble ang hirap na dinaranas nila sa taping, triple raw ang mga kasamahan nila sa produksiyon.
Samantala, tuwang-tuwa naman ang mga bida ng serye dahil sa sandamakmak na memes na kumakalat ngayon sa social media. Hindi rin nila inasahan na ganu’n katindi ang magiging reaksyon ng mga tao sa kanilang bagong show.
“Grabe! Talagang nagugulat kami kasi ang tataba ng utak ng mga netizen. Ang dami nilang mga paandar na hindi namin inakala na magagawa nila. Tapos nakakaloka rin ‘yung mga tanong nila, paano kaya sila natutulog? Paano nagtu-toothbrush? So, ngayon pa lang naku-curious na sila, at ita-try namin sagutin lahat ng questions nila,’” pahayag pa ni Barbie.
Bukod kina Jak at Paul, makakasama rin sa serye sina Carmina Villarroel, Glydel Mercado, Mike Tan at John Estrada. Ka-join din sa KM sina Alicia Alonzo, Althea Ablan, Liezel Lopez at Karenina Haniel.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.