NorthPort Batang Pier hangad makisalo sa liderato
Mga Laro (Enero 25)
(Ynares Center, Antipolo City)
4:30 p.m. Columbian vs NorthPort
7 p.m. Meralco vs San Miguel Beer
Team Standings: Phoenix (3-0); NorthPort (2-0); Rain or Shine (1-0); Columbian (1-1); San Miguel Beer (1-1); Meralco (1-1); Barangay Ginebra (1-1); TNT (1-2); Blackwater (0-2); NLEX (0-3); Magnolia (x-x); Alaska (x-x)
MAKISALO sa liderato ang pakay ng NorthPort Batang Pier sa pagsagupa nito sa Columbian Dyip sa kanilang 2019 PBA Philippine Cup elimination round game ngayong Biyernes sa Ynares Center, Antipolo City.
Ang salpukan ng Batang Pier at Dyip ay katatampukan naman ng paghaharap nina top overall rookie pick CJ Perez at No. 3 pick Robert Bolick.
Nagawang bumida ni Bolick sa unang dalawang panalo ng NorthPort ngayong season at habol nila na makasama sa itaas ng team standings ang kasalukuyang pahinga na Phoenix Pulse Fuel Masters.
Makakaharap ng NorthPort ang Columbian, na inaasahang pangungunahan ni Perez, sa unang laro dakong alas-4:30 ng hapon.
Magsasalpukan naman ang four-time defending champion San Miguel Beermen at Meralco Bolts sa ikalawang laro ganap na alas-7 ng gabi.
Subalit ang lahat ay nakatutok kina Perez at Bolick na inaasahang ipagpapatuloy ang kanilang tunggalian sa NCAA sa hardcourt ng PBA.
Matatandaan na nagharap ang Lyceum Pirates ni Perez at San Beda Red Lions ni Bolick sa NCAA men’s basketball finals sa nakalipas na dalawang season kung saan nauwi ng Red Lions ang kampeonato.
Agad naman nagpakitang gilas sa PBA si Bolick nang gumawa siya ng 26 puntos sa 117-91 pagwawagi ng Batang Pier kontra Blackwater Elite noong nakalipas na linggo.
Kumana naman si Perez ng 26 puntos para sa Columbian na ginulat ang San Miguel Beer, 124-118, sa kanyang PBA debut.
Nalimitahan sina Perez at Bolick sa kanilang ikalawang laro at naghiwalay din ng landas ang kani-kanilang koponan sa team standings matapos ang magkaibang resulta.
Nagwagi ang NorthPort kontra NLEX Road Warriors, 95-90, sa ikalawang laro nito kung saan nagtala lamang si Bolick ng 14 puntos.
Nakalasap naman ng pagkatalo ang Columbian sa kamay ng league-leader Phoenix Pulse, 108-98, kung saan si Perez ay kumana ng 10 puntos, walong rebound, anim na assist, dalawang steal at dalawang shotblock.
Sa ikalawang laro, pipilitin naman ng San Miguel Beer na masundan ang 99-91 pagwawagi kontra Barangay Ginebra Gin Kings sa pagpuntirya sa ikalawang diretsong panalo kontra Meralco na manggagaling sa 99-94 panalo kontra Blackwater noong Sabado.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.