Paolo nag-transform bilang Mama Mary, pinalakpakan sa premiere night ng ‘Born Beautiful’
GRABE! As in wala kaming ginawa kundi tumawa nang tumawa habang pinanonood ang “Born Beautiful” sa ginanap na premiere night nito sa UP Cine Adarna sa Diliman, Q.C. last Friday.
Ito ang sequel ng award-winning movie ni Jun Lana na “Die Beautiful” starring Paolo Ballesteros kung saan nakasama niya si Christian Bables na gumanap bilang si Barbs, ang BFF ng transwoman ding si Trisha (Paolo).
Sa “Born Beautiful”, dahil patay na nga si Trisha, kay Barbs na iikot ang kuwento kasama ang kanyang mga beking kaibigan na ipinagpa-tuloy ang buhay bilang taga-make up ng mga patay.
Ang Kapuso actor na si Martin del Rosario na ang gumaganap sa karakter ni Barbs ngayon sa “Born Beautiful”. Hindi na ito nagawa ni Christian Bables dahil may ibang proyekto na siyang tinanggap na sasagasa sa shooting schedule ng pelikula.
Pero in fairness, hindi nagkamali ang producer at direktor ng movie na si Perci Intalan (with Direk Jun Lana) sa pagpili kay Martin bilang Barbs dahil nabigyan din niya ito ng bonggang-bonggang hustisya. Perfect ang aktor sa role na ilang beses pinalakpakan ng audience during the premiere night.
Maayos at malinis ang pagkakagawa ni Direk Perci sa “BB” kaya marami sa mga nakapanood nito ang nagtaka kung bakit hindi ito pumasa sa panlasa ng 2018 MMFF Selection Committee.
Ang napanood namin ay ang uncut version ng movie kaya medyo mahaba at maraming “for adults only” na eksena, kabilang na ang mga dialogue na may konek sa pagse-sex. Pero feeling namin, kaya pa itong i-edit para mula sa R-18 classification ng MTRCB ay maging R-16 tulad na rin ng apela ng mga producer.
Anyway, nagkakaisa naman ang mga nanonood ng “BB” na napakaganda ni Martin sa lahat ng kanyang mga eksena, pinaghalu-halong Dawn Zulueta, Iza Calzado at Empress Schuck ang kanyang itsura. Kaya nga may karapatan naman siyang pag-agawan nina Kiko Matos at Akihiro Blanco na gumanap na mga lover niya sa kuwento.
Sigawan at tawanan nga ang audience sa mga halikan at love scene ni Martin with Kiko and Akihiro lalo na yung mga eksena nila sa loob ng taxi at tricycle.
Sa halip na mabastusan ka kasi, tatawa ka lang nang tatawa dahil sa mga pinaggagagawa nila. Ito pala yung sinasabi nina Martin, Kiko at Akihiro na itinodo na nila agad sa unang take pa lang dahil mahirap nga naman kung uulit-ulitin pa nila.
Sabi nga ni Martin nang makausap namin sa premiere night, worth it ang pinagdaanan niyang hirap at pagtitiis habang ginagawa ang “BB”.
“Ang pinakamahirap kasi sa lahat yung preparation as Barbs lalo na yung pagwa-wax sa katawan ko kasi balbon talaga ako. Napakasakit, ang hapdi pero tiniis ko lahat para kay Barbs! Tsaka pala yung pag-iipit (ng pagkalalaki) para walang bumukol. Ha-hahaha!”
Pinalakpakan din nang bonggang-bongga ang mga eksena ni Lou Veloso bilang matandang transgender na may-ari ng puneraryang pinagtatrabahuan ni Barbs at ng kanyang mga beking friends na may kanya-kanya ring highlights sa pelikula.
Pero siyempre, hindi rin nagpatalbog si Paolo Ballesteros dahil kahit dalawa o tatlong eksena lang ang ginawa niya sa “Born Beautiful” ay siguradong pag-uusapan pa rin ito ng mga manonood lalo na nang kopyahin niya ang isa sa mga imahe ni Virgin Mary. Super clap at laugh talaga ang audience sa eksenang yun.
Pero bago mag-react ang mga relihiyoso at moralista, kailangang panoorin n’yo muna ang movie para malaman n’yo kung bakit kaila-ngang mag-transform si Paolo bilang Mama Mary. May “disclaimer” din si Paolo kung bakit niya ginawa ang eksenang yun.
Showing na sa mga sinehan ang “Born Beautiful” sa Jan. 23 na idinirek ni Perci Intalan mula sa IdeaFirst Company, Cignal Entertainment at Octobertrain Films. Kasama rin dito sina Joey Paras, Elora Espano, Jojit Lorenzo, Gio Gahol, VJ Mendoza at marami pang iba.
Pagkatapos ng pelikula, very soon ay mapapanood na rin ang “Born Beautiful The Series” sa Cignal TV.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.