Pacquiao handa na sa title defense vs Broner
HANDA na si Filipino boxing superstar Manny Pacquiao na idepensa ang kanyang hawak na World Boxing Association (WBA) welterweight title kontra Adrien Broner ngayong Linggo ng umaga (PH time) sa MGM Grand Arena sa Las Vegas, Nevada, USA.
Magsisilbi man ito na ‘appetizer’ para sa nilulutong rematch kontra Floyd Mayweather Jr., maituturing na isa sa mga “legacy fights” ni Pacquiao ang laban nito kay Broner.
At sa edad na 40-anyos, nais patunayan ni Pacquiao na kaya pa rin niyang makipagsabayan sa loob ng ring tulad noong 10 taon na ang nakakaraan kung sa nagawa niyang mamayagpag sa mga boxing division na kanyang pinasok.
At kabilang sa mga malaking pangalan na kanyang dinomina ay sina Oscar Dela Hoya, Ricky Hatton at Miguel Cotto. Siya rin ang natatanging boksingero na nagwagi ng championship belt sa walong weight class.
Kaya hindi na sekreto kung bakit habol pa rin ni Pacquiao na makasagupa muli si Mayweather kahit kasalukuyang retirado na ito. Huling naglaban ang dalawa noong Mayo 2015 na maituturing na maperang laban sa kasaysayan ng boxing kung saan napabalitang kumita ito ng $600 milyon.
Ilang beses din nagkita sina Pacquiao at Mayweather at inanunsyo ng walang talo na American champion noong Setyembre na payag siyang labanan muli ang katunggaling Pinoy.
Hindi naman ito matanggap ng 29-anyos na si Broner na nagbubunganga patungkol sa “MayPac2” bago ang kanilang laban ngayong Linggo.
“It’s a hell of opportunity man, you know ah, like I said before am not doing this for myself, I’m doing this (shit) for the hood,” sabi ni Broner matapos ang kanilang weight-in Sabado. “After I win tomorrow night, then I will be a legend overnight.”
Si Broner, na naging pinakabatang boksingero na nagwagi ng titulo sa apat na weight division, ay nakakatuwang panoorin at maliban pa sa pagiging balbas sarado hindi pa siya nakakatikim ng knockout sa mga huling laban niya.
Subalit sinabi ni Pacquiao na maghahabol siya ng KO win katulad ng huli niyang itinala kontra Lucas Mathysse ng Argentina sa Kuala Lumpur, Malaysia noong nakaraang Hulyo.
“It’s nothing personal. But I will chase him inside the ring. Where he goes, I follow,” sabi ni Pacquiao.
Tumimbang naman si Pacquiao ng 146 pounds habang si Broner ay umabot sa 146.5 lbs sa kanilang weigh-in kahapon sa MGM Grand Arena.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.