Ending ng serye nina Julia at Joshua pinatunayang may ‘forever’
MABIGAT sa dibdib ang pagtatapos ng seryeng Ngayon At Kailanman. Winasak ng serye ang karaniwang takbo ng mga palabas na kailangang buhay ang mga bida sa pinakahuling sultada.
Patay sina Joshua Garcia at Julia Barretto sa pagsasarado ng istorya. Pero pinanindigan naman ng kuwento ang kanilang titulo na Ngayon At Kailanman.
‘Yun ang tinatawag na forever. Hanggang sa kabilang buhay ay magkasama ang mga bida. Sabay silang namatay, magkatabi ang kanilang mga puntod, at sa pinakahuling eksena ay ipinakita silang magkayakap, maligayang-maligaya, dahil hanggang sa huling hantungan ay magkasama pa rin sila.
Maaaring hindi magustuhan ng mga tagahanga nina Joshua at Julia ang tema ng pagtatapos ng serye.
Meron na ngang nagkomento na kung si Cardo Dalisay nga raw na ginagampanan ni Coco Martin, pagkatapos nang sangkatutak na engkuwentro ng barilan ay buhay na buhay pa rin, pero bakit pinatay sina Joshua at Julia sa kanilang serye?
Ibigay na natin sa produksiyon ang kinauwian ng palabas, totoong mahirap tanggapin ng mga fans ng JoshLia ang naganap, pero napakaganda naman ng mensahe ng serye na ang mga tunay na nagmamahalan at may magandang intensiyon sa pakikipagrelasyon ay magkasama hanggang sa wakas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.