PBA Season 44 mas kapanapanabik; Ginebra, TNT magsasagupa sa unang laro
- January 08, 2019 - 04:46 PM
MAS bibilis at mas kapanapanabik ang mga laro sa Philippine Basketball Association (PBA).
Ito ang pangako ng liga sa pagbubukas ng ika-44 season nito sa darating na Linggo, Enero 13.
“We’re looking forward to an exciting PBA Season 44 with all the changes and improvement in team lineups, and the changes and improvement in our rules to make the game more exciting,” sabi ni PBA chairman Ricky Vargas.
BAGONG RULES
Ang naturang tatlong pagbabago sa panuntunan ng liga ay ang mga sumusunod:
1. Magkakaroon ng goal-tending review sa kabuuan ng laro.
2. Ipatutupad ang FIBA rule para sa traveling violation
3. Pagpayag sa “verbal calls” ng mga coaches sa player timeouts.
“We took into consideration many things in coming up with this, foremost is to make the game better for the better appreciation of our fans,” dagdag ni PBA commissioner Willie Marcial. “Pwede na ngayon pag tumawag ng timeout ang coaches. Hindi na gesture lang.”
PHILIPPINE CUP FORMAT
Samantala, hindi naman binago ang tournament format para sa Philippine Cup, ang unang torneyo ng Season 44.
Tulad noong isang taon, dadaan sa single-round-robin elims ang 12 koponan kung saan ang top eight teams ay uusad sa quarterfinals at ang apat sa koponan sa ilalim ng team standings ang maagang magbabakasyon.
Ang top seed at ang No. 2 team ay magkakaroon ng “twice-to-beat advantage” laban sa No. 8 at No. 7 teams sa quarterfinal round habang ang No. 3 at ang No. 6 at maging ang No. 4 at No. 5 teams ang maglalaban sa isang best-of-three series.
Ang semifinals at finals ay mananatiling mga best-of-seven series.
GINEBRA KONTRA TNT
Unang sasalang sa pagbubukas ng Season 44 sa Enero 13 sa Philippine Arena, Bocaue, Bulacan ay ang Commissioner’s Cup champion Barangay Ginebra at ang nangakong babawi mula sa malamyang Season 43 na TNT KaTropa.
Sa Enero 16, Miyerkules, ay maglalaban naman ang Blackwater at NorthPort at ang Phoenix Petroleum kontra Meralco sa unang double-header ng taon sa the Smart Araneta Coliseum.
Sa Enero 18 naman aarangkada ang depensa ng Philippine Cup champion San Miguel Beer na sasagupa sa Columbian Dyip sa Cuneta Astrodome. Sa ikalawang laro ay magtatapat ang Rain or Shine at NLEX.
Ang season debut ng Governors Cup champion Magnolia at runner-up Alaska Milk ay itinakda sa Pebrero 3.
LEO AWARDS
Sa pagbubukas ng liga sa Linggo din gaganapin ang Leo Awards, ang taunang parangal para sa mga individual awards ng liga.
“It’s a first of its kind — the season-end awards held back-to-back with the season opener, and I’m sure it brings excitement to everybody,” sabi ni Marcial.
Dito malalaman kung sino ang tatanghaling Most Valuable Player at Rookie of the Year ng PBA para sa Season 43.
Pararangalan din ang All-PBA teams; All-Defensive squad; Most Improved Player; at ang Sportsmanship awardee.
BATTLE OF THE MUSES
Bukod sa pinakaaabangang Ginebra-TNT game sa Linggo ay mag-aagaw pansin din ang mga muse ng bawat koponan sa opening ceremony ng Season 44.
Tampok bilang muse ng pinakasikat na koponan ng liga na Barangay Ginebra si Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach.
Hindi naman padadaig ang San Miguel Beer na ibabandera si Miss International 2016 Kylie Versoza.
Ang dalawang beses na naging Miss Volleyball ng Philippine Sportswriters Association (PSA) na si Alyssa Valdez naman ang kinuha ng NLEX habang ang kapwa volleyball superstar naman na si Michelle Gumabao Olympian swimmer Jasmine Alkhaldi ang para sa Blackwater Elite.
Ang Kapamilya star Yam Concepion ang muse ng Phoenix at ang GMA talent na si Klea Pineda naman ang sa Alaska.
Si Aya Fernandez, Mutya ng Pilipinas Miss Tourism International, naman ang para sa NorthPort.
Hindi naman pahuhuli ang Magnolia na kinuha si Megastar Sharon Cuneta para maging muse nito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
What's trending