MAY posibilidad na hindi makamit ni Bobby Ray Parks Jr. ang kanyang ikatlong sunod na Local Most Valuable Player award at tulungan ang San Miguel Alab Pilipinas na maidepensa ang kanilang ASEAN Basketball League (ABL).
Ito ay dahil nais ni Blackwater Elite team owner Dioceldo Sy na ang dating two-time UAAP MVP mula sa National University Bulldogs na makasama na ang kanyang mga kakampi sa praktis ng Elite at sumabak na sa aksyon sa Philippine Basketball Association (PBA) matapos na pumayag sa napagkasunduang kontrata na aprubado na ng Office of the PBA Commissioner.
Kasalukuyang naglalaro si Parks sa Alab Pilipinas at nais nitong tapusin ang paglalaro sa koponan bago sumabak sa PBA.
Subalit sinabi ni Sy na pipilitin niyang kumbinsihin si Parks at ang agent nitong si Charlie Dy para ang No. 2 overall pick ay makapaglaro na sa unang laro ng Elite sa season-opening PBA Philippine Cup.
Nilinaw din ni Sy na hangad nilang mapanatili ang serbisyo ni Parks sa hangarin nitong mauwi ang unang titulo sa PBA matapos na pagkalooban ito ng tatlong taon na kontrata na isinumite na nito sa PBA office.
Nauna nang inalok ng Blackwater si Parks ng dalawang taon na kontrata na nagkakahalaga ng P5.4 milyon kung saan ang anak ng yumaong dating seven-time Best Import awardee na si Bobby Ray Parks ay nakatakdang tumanggap ng P200,000 sa kanyang unang taon at P250,000 sa kanyang ikalawang taon base na rin sa bagong salary cap na itinalaga ng PBA para sa mga rookie player na napili sa unang round.
Subalit nakipagnegosasyon si Dy sa Elite management para bigyan si Parks ng tatlong taon na kontrata na tinanggap nito. Ang tatlong-taon na kontrata na nagkakahalaga ng P10.4 milyon ay magbibigay kay Parks ng maximum player salary na P420,000 sa kanyang huling taon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.