CJ Perez napiling No. 1 pick sa 2018 PBA Rookie Draft
TULAD ng inaasahan pinili ng Columbian Dyip, ang nangulelat na PBA team sa 2017-2018 season, ang dating Lyceum of the Philippines University Pirates star na si CJ Perez bilang No. 1 overall pick sa 2018 PBA Rookie Draft na ginanap Linggo sa Robinsons Place Manila.
Matagal nang napipisil ng Dyip si Perez matapos na ipaalam ng dating NCAA season Most Valuable Player ang hangarin nitong lumahok sa PBA Rookie Draft.
Nagtapos ang Columbian na may overall record na 6-27 sa nakalipas na tatlong kumperensiya ng liga at umaasa ang Dyip na mapapalakas lalo ni Perez ang koponan na kinabibilangan ng maaasahang backcourt tandem nina Jerramy King at Rashawn McCarthy.
Hinatid ng 6-foot-1 wingman na si Perez ang Pirates sa back-to-back NCAA Finals appearance kabilang ang 18-0 eliminations sweep noong Season 93. Siya rin ang tinanghal na NCAA MVP noong Season 93.
Kinuha Blackwater Elite si Bobby Ray Parks bilang No. 2 pick habang pinalakas ng NorthPort Batang Pier ang kanilang backcourt sa pagkuha kay San Beda University Red Lions star Robert Bolick.
Ginulat naman ng NLEX Road Warriors ang lahat sa pagpili nito kay University of the Philippines Fighting Maroons star Paul Desiderio bilang fourth overall pick habang kinuha ng Meralco Bolts si Trevis Jackson bilang No. 5 pick.
Kinuha naman ng Rain or Shine Elasto Painters bilang mga first round pick sina Red Lions forward Javee Mocon (No. 6) at dating National University Bulldogs guard Jayjay Alejandro III (No. 8).
Pumili rin muli sa first round ang NLEX at kinuha nila ang big man na si Abu Tratter bilang No. 7 pick.
Nasungkit ng Alaska Aces si Pirates guard Jesper Ayaay bilang No. 9 pick habang nakuha ng Magnolia Hotshots ang San Sebastian College Stags star na si Michael Calisaan bilang No. 10 pick.
Muli ring pumili sa first round ang Columbian at kinuha nila si Letran Knights guard na si John Paul Calvo bilang No. 11 pick.
Isinara naman ng Phoenix Fuel Masters ang first round sa pagkuha nila kay Technological Institute of the Philippines Engineers forward Jorey Napoles.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.