Bolick, Perez at Parks pangungunahan ang 2018 PBA Rookie Draft
PANGUNGUNAHAN nina Robert Bolick, CJ Perez and Bobby Ray Parks Jr. ang posibleng maging top overall pick sa darating 2018 PBA Rookie Draft ngayong Linggo, Disyembre 16, sa Robinsons Place Manila.
Umabot sa kabuuang 48 aplikante ang lalahok sa taunang rookie draft ng propesyunal na liga.
Sina Paul Desiderio at Diego Dario, na nagpakitang gilas para sa University of the Philippines sa katatapos na UAAP Season 81 men’s basketball, ang mga huling nagsumite ng kanilang aplikasyon para malagpasan ang 44 na lumahok sa nakalipas na draft.
Ang desisyon ng liga na palawigin ang deadline para sa mga local player mula Disyembre 3 patungo sa Disyembre 10 ang naging daan para makahabol sina Desiderio at Dario matapos maglaro para sa Fighting Maroons sa UAAP Finals kontra Ateneo Blue Eagles.
Ang opisyal na listahan ng mga aplikante ay ilalabas ng liga sa Biyernes, Disyembre 14.
Ang mga kalahok sa rookie draft ay dadaan naman sa Draft Combine na isasagawa sa Disyembre 12-13 sa Hoops Center, Mandaluyong City.
Ang Columbian Dyip ang may hawak ng No. 1 overall pick ngayong taon.
Maliban kina Perez, Parks at Bolick kabilang din sa mga lalahok sa draft sina Trevis Jackson, Matt Salem, Bong Quinto, Robbie Manalang, Abu Tratter, John Paul Calvo, Michael Calisaan, Teytey Teodoro, Javee Mocon at Carlos Isit.
Mayroon ding tatlong manlalaro na magkakapareho ang apelyido ang kabilang sa draft at ito ay sina Kyles Lao ng UPs, Kent Jefferson Lao ng University of Santo Tomas at Edrian Lao of University of the Visayas.
Si San Miguel Beermen forward-center Christian Standhardinger ang naging top rookie pick sa nakaraang rookie draft.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.