Coco tinawag na ‘bagong FPJ’ ni Eddie Garcia
PARA kay Eddie Garcia ang Teleserye King na si Coco Martin na nga ang Fernando Poe, Jr. ng bagong henerasyon.
Magkasama ang dalawa sa numero unong primetime teleserye ng ABS-CBN na Ang Probinsyano.
Ayon kay Manoy, bukod sa napakagaling na artista, napaka-professional din daw ni Coco, bukod pa sa maraming natutulungan tulad din ni FPJ. “Alam naman nating lahat na marami siya tinutulungan lalo na ‘yung mga artistang walang trabaho. Nilalagay niya sa Probinsyano,” ayon pa kay Eddie sa panayam ng mga entertainment reporter sa grand mediacon ng 2018 MMFF entry na “Rainbow’s Sunset” showing on Dec. 25.
Saksi rin ang award-winning actor-director na gumaganap bilang si Don Emilio Syquia sa Probinsyano, kung gaano kabait si Coco sa tunay na buhay. “Napaka down-to-earth niyang tao, hindi lumalaki ang ulo.”
Naidirek na rin daw siya ni Coco sa Probinsyano, “May eksena na siya ang nagdirek sa akin. ‘Yung nasa kuweba kami, magaling siya as a director at nagsa-suggest din siya kung ano ang makakabuti sa show, hindi naman niya sinasapawan ang mga direktor.”
Kung matatandaan, kumalat ang chika na kaya raw umalis si Direk Toto Natividad sa Probinsyano at lumipat sa GMA 7 para idirek ang Cain At Abel ay dahil hindi na sila nagkakasundo ni Coco. Ayon kay Manoy, wala naman siyang naalala na nakipag-away o nakipagsigawan si Coco sa ibang direktor o staff ng serye.
Samantala, hindi na nakapagtataka kung magwaging best actor si Eddie Garcia para sa 2018 MMFF entry nilang “Rainbow’s Sunset.” Ginagampanan niya sa movie ang karakter ni Ramon Estrella, isang retiradong senador na nagdesisyong aminin ang pagiging bading.
Iniwan niya ang kanyang asawa (Gloria Romero) at mga anak para alagaan ang kanyang espesyal na kaibigan na si Fredo (Tony Mabesa) na may taning na ang buhay dahil sa cancer. May kissing scene raw sina Manoy at Tony sa movie, “The script calls for it so gawin mo.”
Hindi ba siya nailang sa halikan nila sa pelikula? “No, no. Du’n sa ‘Bwakaw,’ may kissing scene rin ako with Rez Cortez. Nasa role yun, e. If the role calls for it, gawin mo. Kung ayaw mo, huwag mong tanggapin ang pelikula.”
Napakarami nang gay role na nagawa si Manoy Eddie kaya hindi na bago sa kanya ang karakter niya sa “Rainbow’s Sunset”, “Yes, baklang nagsusuot ng babae, screaming faggot, isang bakla na may asawang lihim. Kahit anong role naman ang ibigay mo sa akin, tatanggapin ko.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.