Mommy Rosario sa relasyon nina Vice at Abueva: Kung saan sila masaya, masaya na rin ako
TANGGAP na ng nanay ni Vice Ganda ang relasyon ng Unkabogable Star kay PBA player Calvin Abueva.
Ayon kay Mommy Rosario Viceral, malalaki na sina Vice at Calvin at alam na nila ang kanilang mga ginagawa kaya nandiyan lang siya para suportahan ang kanyang anak sa kaligayahan nito.
Na-interview ang ina ni Vice sa Magandang Buhay kaninang umaga at dito nga niya naikuwento kung paano niya nakilala si Calvin. Aniya, una niyang na-meet ang cager at iba pa nitong kaibigan noong magbakasyon sila ni Vice sa Boracay last month.
“Kasi magla-lunch kami tapos noong nandodoon na ako sabi niya ‘Nay may bisita ako ha.’ ‘Okay lang anak’ sabi ko. Tapos dumating sila, pinakilala niya ako. That’s it, I met them,” ani Mommy Rosario.
Tinanong naman ng mga host ng Kapamilya morning show ang nanay ng TV host-comedian kung ano ang kaniyang magiging reaksyon sakaling mauwi sa seryosong relasyon ang special friendship ng kanyang anak kay Abueva, ang paunang tugon nito, “That will be nice oo, maganda, masaya.”
“Hindi sila nag o-open sa akin. Ako naman, nasa edad na sila. Parang wala na akong karapatan ba na na mag-usi-usisa pa. So, whatever comes I welcome them. I accept them. Kung saan sila masaya, masaya na rin ako,” dugtong pa ni Mommy Rosario.
Kuwento pa nito, natatawa rin siya kapag tinutukso si Vice ng kanyang mga co-host sa Showtime kay Calvin.
“Sa Showtime nga nitong lately pagbalik ko ‘yun bang mga biru-biruan napapansin ko. So tinanong ko sa apo kong babae ‘anak ano yon?’ sabi kong ganu’n, ‘eto ipapakita ko sa inyo,'” sey pa ng nanay ni Vice.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.