Kaalaman, katapatan sagot sa HIV-AIDS
NITONG Sabado ay ginunita ang International AIDS Day, kung saan isinusulong ang maigting na kampanya para labanan ang sakit na AIDS na hanggang ngayon ay wala pa ring gamot. Milyon-milyon na ang apektado ng HIV na kung hindi maaagapan ay maaaring mauwi sa full-blown AIDS. Dito sa Pilipinas, padami pa rin nang padami ang nahahawahan ng virus.
Marami ang nagsasabi na kailangan daw magkulambo sa pagtulog para hindi makagat ng lamok na may HIV-AIDS.
Sa isang comics strip, nagsuot naman ng condom ang isang lalaki bago matulog para hindi daw siya mahawa.
Ang mga ganitong paniwala, na walang scientific basis ang isa sa mga dahilan kung bakit patuloy na umaakyat ang bilang ng mga taong nahahawa ng nakamamatay na sakit na ito.
Para sa maraming eksperto, ang tamang edukasyon at kaalaman tungkol sa HIV-AIDS ang tutugon upang mabawasan ang bilang, kung hindi man tuluyang mapahinto, ang paglaganap ng HIV-AIDS.
Ang HIV o Human Immunodeficiency Virus ay isang uri ng virus na umaatake sa immune system ng tao.
Ang immune system ang nagbibigay ng proteksyon sa tao laban sa sakit.
Kapag nasira ng HIV ang sistema ng katawan maaari na itong magkaroon ng AIDS o Acquired Immune Deficiency Syndrome. Binubuo ito ng iba’t ibang sakit dulot ng impeksyon.
Maaaring mahawa ng HIV sa pamamagitan ng pakikipagtalik—kung hindi o mali ang paggamit ng condom, anal sex at oral sex.
Maaari ring mahawa kung masasalinan ng dugo na kontaminado ng HIV; kung ang gagamiting karayom ay unang ginamit sa isang tao na mayroong HIV; kapag napasukan ang sugat ng dugo na may HIV; kapag ang organ na inilipat ay galing sa taong may HIV.
Posible rin na mahawa ang isang sanggol kung mayroong HIV ang kanyang ina na nagpapasuso sa kanya.
Paano naging nakakahawa?
Hindi naipapasa ang HIV sa pamamagitan ng pagbahing, pag-ubo, pawis o luha ng taong may impeksyon.
Hindi gaya ng ibang sakit, ang HIV ay hindi maipapasa sa pamamagitan ng paggamit ng gamit ng taong mayroon nito.
Mali rin ang paniwala na mahahawa ng isang may HIV ang wala nito kapag gumamit ng public toilet o sa paglangoy sa swimming pool.
Hindi rin mahahawa dahil sa kagat ng lamok o iba pang insekto.
Halik mapanganib?
Maaari ka bang mahawa ng HIV sa pakikipaghalikan? Ayon sa Department of Health kung simpleng laway lang ang maipapasa sa kahalikan ay hindi ito makakahawa ng HIV pero maaaring maipasa sa pamamagitan nito ang Hepatitis B at C.
Ibang usapan naman kung mayroong sugat ang bibig at maipapasa ang dugong mayroong HIV papaunta sa kapareha.
Oral Sex
Mayroong skin-to-skin contact at palitan ng likido ang oral sex kaya posibleng mahawa ng HIV.
Mahalaga ang paggamit ng barrier protection gaya ng unlubricated condoms o latex dental dams bilang proteksyon.
Condom
Kahit na nakasuot ng condom maaari pa ring mahawa ng HIV kung mali ang paggamit nito. Posible rin na magkaroon ng butas ang condom kapag natusok ito o dahil sa pagkiskis at maaaring dito dumaan ang virus.
Gamot
Bagamat patuloy ang mga sayantipiko sa pag-aaral kung paano sosolusyunan ang sakit, hanggang ngayon ay wala pa ring gamot na nagawa para mapatay ang HIV o AIDS.
Ang mayroon ngayon ay may mga antiretroviral drugs na nakakapagpabagal sa pagsira ng HIV sa immune system.
Paano iiwas?
Ang DoH at Red Cross ay mayroong suhestyon para hindi mahawa ng HIV. Ang pinakamabisa ay huwag makipagtalik sa hindi mo asawa o kapareha. Kung may asawa o partner na, maging tapat sa kanya.
Iwasan ang paggamit ng gamit na karayom. Huwag manghinayang dito dahil nagamit na naman.
At magkaroon ng tamang kaalaman tungkol sa sakit na ito. Huwag basta maniwala sa sabi-sabi at gumawa ng sariling pananaliksik batay sa mga napatunayan na.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.