Wala nang rampahan ng OFWs sa Hong Kong | Bandera

Wala nang rampahan ng OFWs sa Hong Kong

Susan K - November 30, 2018 - 12:10 AM

MAHILIG talaga sa beauty pageant ang mga Pinay. Kapag may mga okasyon ang Pinoy sa iba’t ibang panig ng mundo, hindi pupuwedeng walang paligsahan ng pagandahan.

Kaya ito naman ang pinagtuunan ng pansin ni Labor Attache Jalilo “Jolly” dela Torre ng Hong Kong nang muli siyang magbalik doon. Pinakiusapan niya ang mga Filipino organizers na tigilan na sana ang mga beauty pageant.

Napakalaking pera raw ang ginagastos ng ating mga kababaihan para sa mga damit at gown na kanilang ginagamit. Ipinangungutang nila iyon sa halip na magamit ang pera sa mas mahahalagang mga gastusin.

Hindi rin magandang tingnan na halos ibilad na ng ating mga kababaihan ang kanilang mga katawan lalo na pagdating sa talent portion, kung kaya’t nagiging daan pa nga ito upang ihanap nang makakapareha ang mga lalaking nakakita ng kanilang nakursunadahan habang nagaganap ang naturang pageant.

Kaya naman labis na ikinatuwa ni Labatt Jolly nang ipaalam sa kanya ng Global Alliance ng Hong Kong na hindi na sila magsasagawa ng anumang pageant. Ayon kay dela Torrre, isang umbrella organization ang Global na binubuo ng may 30 mga asosasyon ng Pinoy.

Nabanggit din ng Bantay OCW kay Labatt Jolly nang makapanayam sa Radyo Inquirer na mga programang pangkabuhayan ang isa sa mga tinututukan ng Bantay OCW Foundation, Inc.

Pinasimulan ni Labor Attache Reydeluz Conferido mula sa Philippine Embassy sa London ang Fashion Designing Course na dinaluhan ng mga kababaihan natin sa UK.

Sa pamamagitan ng pakikipagtulungan ng associate producer ng Bantay OCW na si Ms. Shermaine Katindig, isang fashion designer at nagtapos sa La Salle College International of Fashion Design-Canada, napasimulan ang level-up na kursong ito sa Fashion Design sa pangunguna ng POLO-OWWA UK sa pamamagitan nina Labatt ReyCon at Welfare Officer Connie Marquez.

Naging matagumpay nga ang paglulunsad ng naturang proyekto sa UK at ngayon marami na ring bansa ang nagpahayag ng kanilang interes at kahandaan na sundan ang nasimulan ng UK.

Nagpapasalamat si Labatt Jolly na maaaring mabuksan nga ang oportunidad na ito para sa ating mga kababaihan naman sa Hong Kong at iba bang mga Asian countries.

Sa katunayan pa nga, may ilang bansa sa Middle East na nagphiwatig na rin ng kanilang interes at maanyayahan si Ms. Shermaine sa ibang bansa upang ibahagi ang special na kursong ito ng Fashion Design.

Mas masarap malaman at mabuting marinig ngayon na ang dating rumarampa, siya na ngayon ang gumagawa ng mga pang-rampa. Tiyak dito walang magalong-talo, lahat panalo! Hindi tulad sa mga beauty pageant na isa lamang ang tatanghaling Reyna.

Dito sa Fashion Designing Course, lahat puwedeng maging Reyna! Puwede pa nilang irampa ang kanilang mga obra na ipinagmamalaki ang mga lokal na materyales at produkto ng bansa. At ang mga reynang ito ang siya na ring magsusuot ng kanilang mga disenyong nilikha at hindi ang iba.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM(M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziqHelpline: 0998.991.BOCW E-mail: [email protected]/[email protected]

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending