Si Cong lagare sa panliligaw sa mga barangay officials
NASA full-swing na ang paghahanda ng isang kongresista mula sa isang lungsod sa Metro Manila para abutin ang pangarap niyang maging mayor.
Tulad nang inaasahan ay nag-umpisa na siyang gapangin ang mga barangay officials sa kanilang lungsod para sa suporta sa darating na halalan.
Isang patunay rito ang pakikipag-pulong niya sa mga barangay officials kahit na hindi sakop ang mga ito ng kanyang distrito.
Sinabi ng ating Cricket malalim rin ang bulsa ni Sir dahil sa bawat meeting ay may dala siyang sobre na pakimkim sa kanyang mga kausap.
Patunay lamang ito na seryoso ang opisyal sa paghahanda sa kanyang future lalo’t nasa third and final term na siya sa Kamara.
Bukod sa mga barangay officials ay may binuo na rin siyang grupo ng mga social media influencers na hahawak naman ng kanyang kampanya para sa mga kabataan at mga online campaign.
Katuwang din niya sa operasyon ang ilang “hao shiao” na miyembro ng media sa kanilang lungsod bilang mga propagandista.
Nakalatag na ang lahat kaya si Sir ay abala rin sa pag-iipon ng pondo lalo’t mabigat din naman ang kanyang makakalaban sa kampanya.
Sinasabing ang kasalukuyang vice mayor sa kanilang city ang matunog na kalaban ni Sir kaya pinaghahandaan na niya ito nang bongga.
Ilan sa mga negosyanteng ipinagmamalaki ni Cong na pupusta sa kanyang kandidatura ay ilang Chinese tycoon na natulungan daw niya sa pamamagitan ng ilang mga batas at imbestigasyon sa Kamara na kanyang ikinasa.
Kumbaga ngayon daw ang payback time sa mga pabor na ginawa at ibinigay nya sa mga ito sa kanyang tour of duty bilang kongresista.
Ang hindi alam ni Sir ay karamihan sa kanyang mga ipinagmamalaking supporters ay nagbato na rin ng suporta sa kanyang makakalaban sa pagka-mayor sa susunod na halalan.
Ang kongresista na pumoposisyon na para sa susunod na kampanya sa pagkamayor ay si Mr. B…as in Balimbing.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.