KAMAKAILAN lamang nagkasunod-sunod ang mga kasong pagnanakaw na kinasasangkutan ng ating mga OFW sa ibayong dagat.
Pagnanakaw na kung iisipin ay katawa-tawa. Dahil nang-uumit sila sa tindahan ng isang lotion, isang chocolate, isang shampoo at kung anu-ano pang maliliit na mga bagay.
At kung tutuusin naman, imposibleng walang pera si kabayan pambili lamang ng naturang mga mumurahing produkto.
At tinutuluyan din sila ng mga pinagnakawan nila. Sasampahan sila ng kaso sa korte, pero mismong mga employer nila ang magpapatunay na hindi ‘anya sadyang magnanakaw ang OFW.
Katunayan pa nga, sasabihin niyang napakatagal nang naglilingkod ng
Pinoy sa kaniya at lubos na ang tiwala ng kaniyang buong pamilya sa OFW.
Sa kaniya na rin lumaki ang kaniyang mga anak, bilang tagapag-alaga nila.
Kaya mismong mga employer ang siyang nagugulat kung bakit nagawa ng kanilang kasambahay ang naturang krimen.
Pero maaaring may dahilan nga ang mga OFW natin at sila lang ang nakakaalam ng kanilang motibo at dahilan kung bakit nila nagawa iyon.
Malaking problema din kasi ng mga OFW na kapag nagustuhan sila ng kanilang mga amo at buo na ang tiwala sa kanila, ayaw na nilang payagang pauwiin ang mga ito.
Kahit napakaraming taon nang naninilbihan ang OFW, 10 hanggang mahigit pa sa 20 mga taon, hindi na talaga papayag ang employer na iwan pa sila ng Pinay.
Naroong reregaluhan nila ng kung anu-ano si kabayan. Patatayuan ng bahay sa Pilipinas, paaaralin ang kaniyang mga anak, para nga naman malubog sa utang ito at di lamang sa pera kundi pati na rin sa utang na loob.
Inaalok ng amo na kalahati na lamang ang babayaran nito at regalo na niya ang natitira pang kalahati. Sa una, okay na okay sa ating kabayan iyon.
Siyempre nga naman, ang pagkakaroon ng bahay at edukasyon ang pangunahing dahilan kung bakit nag-aabroad ang ating mga OFW, kung kaya’t kakagatin na nila ang gayong mga alok.
Pero darating din talaga sila sa puntong gusto na nilang umuwi ng Pilipinas for good upang makasama naman ang kanilang mga mahal sa buhay.
Ang asawang pakiramdam nito’y inabandona na ni misis, at mga anak na naglalakihan na gayong mga paslit pa lamang ang mga ito ng kaniyang iwan.
Kaya maaaring sa paggawa ng maliit na mga krimen tulad ng small time na pagnanakaw, magkakaroon na ng pagkakataon na makauwi na ng bansa ang ating OFW.
Okay na lang sa kaniya kung pang-habang buhay na siyang blacklisted at hindi na muling makababalik sa bansang iyon, ang mahalaga, hindi rin naman ganoon kasakit para sa kaniya na iwan ang pamilya ng employer na natutunan na rin niyang mahalin dahil sa tagal nang paninilbihan niya sa kanila.
Parang mahirap isipin, masakit man para sa iba ang ganitong paggawi, ngunit maaring iyon na lamang din ang tanging paraan upang makaalis na rin sila at tuluyan nang wala nang balikan pa.
Si Susan Anddes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM(M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziqHelpline: 0998.991.BOCW E-mail: [email protected]/[email protected]
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.