Seafarer na lumaki ang ulo, walang dapat ipagmalaki! | Bandera

Seafarer na lumaki ang ulo, walang dapat ipagmalaki!

Susan K - November 09, 2018 - 12:10 AM

MAY mga first timer tayong OFW na tila yata nabibigla sa bagong estado nito kung pagbabasehan ang dati nilang katayuan sa buhay bago pa ang pangingibang-bayan.

Tulad na lamang ni Andrew, isang seafarer. Gayong tatlong (3) taon pa lamang siyang nakakasakay ng barko, ngunit napakarami nang nangyaring magaganda at maging hindi magandang mga bagay sa kaniya, marahil dulot na rin ng kaniyang kabataan at padalos-dalos na mga pagdedesisyon.

Binata pa si Andrew nang sumakay ng barko. Ngunit nakakaisang taon pa lamang siyang naglalayag nang mag-asawa ito. Sa kaniyang ikalawang taon, nabuntis kaagad si misis.

Lahat ng kinikita niya diretso kay misis. Hindi na niya pinadadalhan ang kaniyang ina na dati niyang allottee.

Siyempre galit si Nanay. Maraming hinanakit. Walang utang na loob daw si Andrew pati na asawa nito.

Kundi raw dahil sa kaniya, malabong makapag-barko ang anak dahil iginapang niya ang pag-aaral nito.

Hanggang sa ipinangungutang niya ‘anya maging ang pang araw-araw na allowance ni Andrew makapasok lamang ito sa eskwela.

Maging ang asawa, hindi na rin nagkusa na mag-abot kahit papaano kay nanay. Bumukod kaagad sila.

Lumayo sa mga magulang ni Andrew.

At tila nagmamadali ang ating seafarer, agad itong bumili ng loteng hinuhulug-hulugan sa probinsiya ng asawa at ipinangutang rin pati ang pampatayo ng kanilang bahay.

Hindi isang simpleng bahay ang ipinatatayo ni Andrew. Kundi isang malaking bahay. Nais daw niyang ipakita na talagang asensado na siya. Gusto rin niyang patunayan iyon sa mga kaanak at kaibigan na minsan ding tumuya sa kanila at tumangging tulungan sila nang nasa mahigpit ‘anya silang pangangailangan.

Aba may halong pagmamalaki pala ang motibo ni Andrew para ipangalandakan ang mabilis niyang pag-asenso.

Bukod din kasi sa pagbabarko, may dagdag pang kabuhayan si misis. Mahilig itong mag-business tulad ng buy and sell. Kaya mula sa kaniyang kinikita, sagot na ni misis ang mga gastusin sa bahay.

Pero bakit kailangang magmadali? Ngayon, baon sa malaking pagkakautang si Andrew. At kailangan niyang gawing araw ang gabi upang makadagdag ng kita. Sa panahon kasi ng pamamahinga niya, nag-o-online business pa siya pambayad daw sa mga utang sa bangko.

Tanong tuloy ng mga magulang niya, ano ba ang kailangang ipag-apura ng anak? Bakit mala-mansyon ang bahay na itinatayo, gayong tatatlo pa lang naman sila sa pamilya.

Sambit ng tatay sa anak, maghinay-hinay sana ito sa mga pabigla-biglang desisyon lalo pa’t tila kinalimutan na rin niya ang pamilyang nagsikap upang makatapos siya.

Hindi niya hawak ang bukas at walang kasiguruhan ang bawat araw ng kaniyang paglalayag. Huwag masyadong magmadali! At matuto sanang lumingon sa pinanggalingan.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM(M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziqHelpline: 0998.991.BOCW E-mail: [email protected]/[email protected]

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending