Halo-halong sarap ng bibingkang balinghoy ni Aling Baby Clemente
Kakaiba ang bibingka ni Corazon ‘Aling Baby’ Agreda Clemente ng Binakayan, Kawit, Cavite dahil halo-halo ang sarap nito.
Hindi lamang ito sinangkapan ng ginadgad na balinghoy (kamoteng kahoy o cassava), sinahugan din ito ng itlog, keso, langka, kaong, makapuno, nata de coco bago hinurno sa sariwang gata at latik.
Natutuhan ni Aling Baby ang pagluluto ng espesyal na cassava cake mula sa kanyang inang si Nieves Agreda, na tubong-Iriga at nakapag-asawa ng taga-Cavite.
Dahil palasak at sampu-sampera ang nasabing panghimagas sa bayan ng Kawit ay naisipan ni Aling Nieves na sahugan ito ng iba’t ibang minatamis.
Katulong ni Aling Baby sa paggawa ng cassava cake ang kanyang nag-iisang anak na si Russel. Maliit na bata pa lamang si Russel ay siya na ang kaagapay ng kanyang ina sa paggawa ng bibingkang balinghoy.
Alas-kwatro pa lang ng madaling araw ay ginagadgad na ng mag-ina ang mga balinghoy na binalatan at ibinabad sa tubig.
Inuumpisahan na rin nilang sindihan ang mga panggatong na magpapabaga sa mga uling ng kanilang mahabang lutuan na siya ring hurnohan.
Sinasaing nang bahagya ang balinghoy sa gata na hinaluan ng asukal. Pagkatapos, ang sinaing na balinghoy ay ilalagay sa isang bilog na lalagyan— may sukat na 16 na pulgada para sa maliit na order at 22 pulgada para sa malaking order—na gawa sa bakal na sinapinan ng dahon ng saging.
Bago ihurno gaya ng pagluluto ng bibingka kung saan may baga sa ibabaw at ilalim, sasahugan ang balinghoy ng mga halo-halong minatamis.
Kapag handa na ang bibingka, iniinin ito at papahiran ng gata sa ibabaw saka muling ihuhurno upang makagawa ito ng latik sa ibabaw. Magkukulay ginintuang morena ang ibabaw nito at magtututong nang bahagya.
Mahigit 20 taon nang gumagawa ng bibingkang balinghoy ang mag-inang Aling Baby at Russel. Ang kabuhayang ito ang nagtataguyod sa mag-ina sa kanilang araw-araw na pangangailangan, lalo ngayon na may iniindang karamdaman si Aling Baby.
Kahit hindi kalakihan ang kusina ni Aling Baby sa kanilang tahanan ay nakakagawa sila ng 20 hanggang 50 bibingka kada araw. Doble naman nito ang order sa kanila tuwing Pasko.
Sa pamamagitan lamang ng telepono tumatanggap ng order ang mag-ina. Minsan ay inaabot pa ng tatlong araw hanggang isang linggo bago makuha ang order dahil sa dami ng nakapilang kostumer ng mag-inang Clemente.
Kapansin-pansin din ang listahan ng mga personalidad na kostumer ni Aling Baby. May mga senador at congressman, socialite na taga-Makati at mga catering companies na fans ni Aling Baby na talagang sinasadya pa siya sa Binakayan.
Isa si Aling Baby sa mga hinahangaan kong lokal na negosyante dahil sa kanyang sipag at tiyaga. Minarapat ko ring hindi hingin ang resipi ng kanyang bibingka upang maprotektahan ang kanyang kabuhayan.
Kung nais ninyong matikman ang espesyal na bibingkang balinghoy ni Aling Baby, maaari siyang sadyain sa Sgt. Legaspi st., Bgy. Congbalay-Legaspi, Binakayan, Kawit, Cavite o tumawag sa (046) 434 0858.
Ang cassava
TINATAWAG ding kamoteng kahoy, yuca, balinghoy, mogo, mandioca ang cassava (Manihot esculenta). Ang mala-kahoy na ugat nito ang nagsisilbing bunga.
Nagmula sa South America, ang cassava ay nililinang bilang isang taunang pananim sa tropikal at subtropikong rehiyon ng Africa. Ang Nigeria ang may pinakamalaking ani ng cassava sa buong mundo.
Dahil mayaman ito sa carbohydrates, ginagawa nila itong parang kanin. Kinakain din ito ng mahigit sa isang bilyong tao.
Hindi naman ito mainam na pinangagalingan ng protina at mineral.
Ang cassava ay ang pangatlo sa pinakamalalaking napagkukunan ng carbohydrates sa tropiko, pagkatapos ng kanin at mais.
Ito rin ay isa sa mga pangunahing lihaw na sangkap na hinahalo sa ating mga pagkain tulad ketchup at mga iba’t ibang mga sauces na kailangan ng pampalapot.
Alam ba ninyo na sa arina ng cassava nagmumula ang mala-perlas na tapioca na napapagpakamalan nating sago? Ito ay isa rin sa mga matitibay na halaman na nabubuhay kapag tagtuyot at ito ay may kakayahang mabuhay kahit hindi alagaan nang mabuti.
May iba’t ibang uri rin ng cassava, may matamis at may mapait. At tulad ng ibang halamang ugat, ito ay nagtataglay ng anti-nutritional toxins o lason kaaya dapat ay maayos ang paghahanda nito.
Ang hindi tamang pagprepara ay maaaring magdulot ng sakit sa ulo, pagkahilo at pagsusuka. Pwede ka ring magkaroon ng goiter o bosyo.
Upang maiwasan ang pagkalason, balatan nang makapal ang cassava at iwasang ihalo ang balat sa tinalupan upang hindi mahawahan ng dagta ng balat ang mga binalutang cassava.
Ibabad ang cassava sa malamig na tubig nang isa hanggang dalawang oras at hugasang mabuti bago ito gamitin sa pagluluto.
Mainam na pagkain ang cassava. Maging maingat lamang sa paggamit nito.
Kausapin ninyo ang mga suki ninyo sa palengke upang malaman ang tapang pagprepara nito. Nilupak, cassava cake at bibingkang balinghoy ang ilan sa mga popular at tinatangkilik na delicacies o kakanin na gawa sa cassava.
Cassava Cake na maaaring gawin sa inyong tahanan
Makagagawa ng
24 na parisukat
Sangkap
4 na tasa ng ginadgad na balinghoy (cassava)
1 (14 ounce) lata ng condensed milk (ireserba 1/3 na tasa para sa topping)
1 (12 ounce) lata evaporated milk
2 tasa ng gata (coconut milk) (ireserba ang 1/3 para sa topping)
2 tasa ng kakang-gata (coconut cream) (ireserba ang 1/3 para sa topping)
1 tasa asukal
3 itlog
3 puti ng itlog
1 tasa ginadgad na niyog
1 kutsarang mantika, na ipapahid sa baking pan
Topping
3 pula ng itlog
1/3 tasa ng condensed milk
1/3 tasa ng gata
1/3 tasa ng kakang-gata
Paraan ng paggawa
1. Painitin ang oven sa 190° C na temperatura.
2. Sa isang malaking bowl, ihalo ang lahat ng sangkap maliban sa tatlong pula ng itlog na gagamitin para sa topping. Ito ang inyong cassava cake mixture.
3. Haluing mabuti.
4. Pahiran ng mantika ang dalawang baking pan.
5. Hatiin sa dalawang sukat ang mixture at isalin ito sa dalawang baking pan.
6. I-bake o ihurno ito ng 30 minuto, hanggang matuyo ang mixture. Bantayan ang mga baking pan dahil kung manipis ang pagkakalagay ng mixture ay madali itong maluto o masunog. Subaybayan nang mabuti.
7. Paghaluin ang lahat ng sangkap para sa topping. Hatiin muli sa dalawang bahagi at ipahid sa ibabaw ng cassava cake. Ibalik sa oven at i-bake itong muli nang 15 hanggang 20 minuto hanggang sa magkulay ginintuang morena.
8. Palamigin bago ito hiwain na pakwadrado.
Maaaring magsahog ng sariwang buko, makapuno, kaong, nata de coco o kahit anong nais mo. Ang mga sukat sa resiping ito ay gabay lamang. Hindi masama ang mag-eksperimento sa kusina.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.