INARESTO ang 18-anyos na nagmomotorsiklo at anim na pasahero ng tricycle matapos umanong patayin ang isang babae sa kahabaan ng isang kalsada gamit ang mga bato matapos ang away-trapiko sa Hagonoy, Bulacan, noong Linggo.
Sinabi naman ng mga pulis na walang ebidensiya na ito ay isang kaso ng road rage bagamat kinasuhan ng murder ang pitong suspek matapos mapatay ang biktimang si Malou Victorino, 42, na nakaupo sa unahan ng Mitsubishi Adventure na kanilang inatake.
Hinarang umano ni Ezekiel Caparaz, 18, ang sasakyang minamaneho ng mister ni Victorino gamit ang isang motorsiklo ganap na alas-2 ng umaga sa kahabaan ng San Austin Road at inumpisahang batuhin ng mga bato ang Adventure ng mga biktima, dahilan para tamaan sa ulo si Victorino.
Sumama rin ang iba pang suspek na sina Bryan Balatbat, Dario Dela Cruz, Jose Bernabe, Jeffrey De Leon, Rommel Nabong at Albert Martin, na nakasakay sa dalawang tricycle.
Dinala si Victorino sa Sacred Heart Hospital sa Malolos City at inilipat sa Quezon City General Hospital, kung saan siya nasawi.
Sinabi ni Chief Supt. Satur Ediong, Hagonoy police chief, na nahuli ang mga suspek noong Miyerkules.
Sinabi ni Caparaz na munting nang banggain ng Adventure ang kanyang motorsiklo, dahilan para siya gumanti.
Ayon naman kay Ediong, taliwas naman ito sa security footage kung saan walang nakitang banggaan.
Galing ang mag-asawang Victorino mula sa burol ng isang kamag-anak sa Barangay San Nicolas at pauwi na sa kanilang bahay sa Taguig City nang sila ay atakihin.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.