Losing skid puputulin ng San Miguel Beermen
Mga Laro Biyernes (Oct. 12)
(Mall of Asia Arena)
4:30 p.m. NorthPort vs Meralco
7 p.m. San Miguel vs Phoenix
Team Standings: Barangay Ginebra (7-1); Magnolia (6-1); Alaska (5-1); Phoenix (6-2); Blackwater (6-2); NLEX (4-4); TNT (4-4); San Miguel Beer (2-4); Meralco (1-5); NorthPort (1-6); Rain or Shine (0-4); Columbian (0-8)
WAKASAN ang tatlong sunod na kabiguan ang hangad ng San Miguel Beermen sa salpukan nila ng Phoenix Fuel Masters sa 2018 PBA Governors’ Cup ngayon sa Mall of Asia Arena, Pasay City.
Kasalukuyang nasa ikawalong puwesto ang Beermen at makakaharap nila ang Fuel Masters ganap na alas-7 ng gabi.
Manggagaling ang San Miguel Beer sa pagkatalo buhat sa Barangay Ginebra Gin Kings, Magnolia Hotshots at Alaska Aces para mahulog sa 2-4 record subalit may pag-asa pa silang makapasok sa top four kung magwawagi sa mga nalalabhi nilang laro sa elims.
Hindi naman magiging madali ang misyon ng Beermen dahil ang Fuel Masters, na kasalukuyang nasa ikaapat na puwesto kasalo ang Blackwater Elite sa 6-2 karta, ay magmumula sa dominanteng 123-97 pagwawagi kontra NLEX Road Warriors nitong nakaraang Miyerkules.
Ang Phoenix ay pinangungunahan ng import na si Eugene Phelps na makakasukatan si Kevin Murphy, na pinalitan si Arizona Reid bilang import ng San Miguel Beer.
Maghaharap naman sa unang laro ang Meralco Bolts at NorthPort Batang Pier dakong alas-4:30 ng hapon.
Matapos na magwagi sa kanilang unang laro, biglang sumadsad ang Bolts na nakatikim ng limang diretsong pagkatalo at nanganganib na hindi makapasok sa top eight na koponang uusad sa quarterfinals.
Nasa ‘must-win’ na sitwasyon din katulad ng Meralco ang NorthPort dahil kailangan nilang maipanalo ang mga nalalabing laro para makaiwas sa maagang pagbabakasyon sa kumperensiya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.