Twice-to-beat edge asinta ng San Beda Red Lions, Lyceum Pirates
Mga Laro Huwebes (Oct. 11)
(Filoil Flying V Centre)
2 p.m. Lyceum vs St. Benilde
4 p.m. Arellano vs San Beda
Team Standings: San Beda* (14-1); Lyceum* (14-2); Letran* (12-4); Perpetual Help (11-5); St. Benilde (8-7); Arellano (5-10); Mapua (5-11); San Sebastian (4-12); EAC (4-13); JRU (2-14)
* – Final Four
MASIGURO ang twice-to-beat incentive sa Final Four ang puntirya ng nangungunang defending champion San Beda University Red Lions at Lyceum of the Philippines University Pirates sa pagsagupa sa magkahiwalay na katunggali ngayon sa NCAA Season 94 men’s basketball tournament sa Filoil Flying V Centre, San Juan City.
Hangad ng Pirates na makabangon buhat sa nakakadismayang 80-79 pagkatalo kontra Letran Knights sa pagsagupa sa College of St. Benilde Blazers dakong alas-2 ng hapon.
Makakaharap naman ng Red Lions ang Arellano University Chiefs ganap na alas-4 ng hapon.
Kung mananalo ngayon ay masisiguro ng San Beda at Lyceum ang top two spot na may twice-to-beat incentive kontra sa nasa ikatlo at ikaapat na puwestong koponan sa semifinal round.
Hawak ng San Beda ang kasalukuyang pinakamahabang winning streak na walong panalo matapos durugin ang St. Benilde, 77-55.
Makakasagupa ng Red Lions ang Chiefs na bagamat napatalsik na sa semis race ay asam na maingat ang kanilang 5-10 record.
Magpipilit naman ang St. Benilde na mapanatiling buhay ang tsansang makapasok sa Final Four sa pagharap nito sa Lyceum.
Kasalukuyang nasa ikalimang puwesto ang Blazers sa hawak na 8-7 kartada at kung matatalo sila ngayon ay tuluyang maglalaho ang pagkakataon nilang umusad sa semis.
Kailangan naman ng St. Benilde na walisin ang lahat ng kanilang nalalabing mga laro at umasa na ang nasa ikaapat na puwesto na University of Perpetual Help Altas ay mabibigo sa lahat ng kanilang natitirang laro.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.