PH men's chess team wagi sa Uruguay; PH women's team nadapa sa Argentina | Bandera

PH men’s chess team wagi sa Uruguay; PH women’s team nadapa sa Argentina

Marlon Bernardino - October 03, 2018 - 04:51 PM
NAGPASIKLAB ang Philippine men’s team  matapos matalo ang  PH women’s team nitong Martes  ng gabi sa ikawalong round ng 43rd World Chess Olympiad na ginaganap sa Sports Place sa Batumi, Georgia. Pinangunahan ni Grandmaster Julio Catalino Sadorra (Elo 2553), tinalo ng 54th seed PH men’s squad ang 67th seed Uruguay, 3-1, para masapawan ang 1.5-2.5 kabiguan na nalasapa ng 43rd seed women’s team sa kamay ng 30th seed Argentina. Giniba ni Sadorra si GM Andres Rodriguez Vila (Elo 2477) sa 42 moves ng Philidors Defense sa board one habang dinaig ni International Master Haridas Pascua (Elo 2435) si Fide Master Rafael Muniz (Elo 2248) sa 29 moves ng King’s Indian Defense sa board four. Nakihati naman ng puntos si GM John Paul Gomez (Elo 2464) kay FM Nicolas Lopez Azambuja (Elo 2322) sa 61 moves ng Catalan Opening sa board two habang si IM Jan Emmanuel Garcia (Elo 2439) ay nakipag-tabla kay IM Luis Ernesto Rodi (Elo 2308) sa 60 moves ng Giuco Piano Opening sa board three. Ang kanilang limang panalo kontra sa tatlong pagkatalo ay nagbigay sa PH men’s team ng kabuuang 10 puntos tungo sa pagsalo sa ika-33 hanggang ika-54 puwesto 185 entry sa Open section. Kabaligtaran naman ang naganap sa PH women’s squad kung saan bagamat nagwagi si Woman International Master Marie Antoinette San Diego (Elo 2102) sa laban niya kay WIM Ayelen Martinez habang tabla naman si WIM Bernadette Galas (Elo 2080) kay WIM Marisa Zuriel (Elo 2186) ay hindi ito naging sapat para mapako sa siyam na puntos tungo sa pagkahulog at pagsalo sa ika-45 hanggang ika-63 puwesto sa 151-team field. Ito ay matapos mabigo sina Woman Grandmaster Janelle Mae Frayna (Elo 2287) at WIM Catherine Perena-Secopito (Elo 2157), kontra kina IM Carolina Lujan (Elo 2350) at WIM Maria Florencia Fernandez (Elo 2219) ayon sa pagkakasunod. Susunod na makakalaban ng PH men’s team, na ang team captain ay si GM Eugene Torre, sa ikasiyam na round ang 95th seed Zambia, 4-0 winner sa 109th seed Jamaica. Ang PH women’s squad, na ang team captain ay si GM Jayson Gonzales, ay makakasagupa ang 77th seed South Korea na galing sa kabiguan sa 35th seed Slovenia, 1.5-2.5.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending