Korek ang punto ni Chavit | Bandera

Korek ang punto ni Chavit

Dennis Eroa - October 03, 2018 - 12:15 AM

NOONG ako ay bata pa, palaging sinasabi ng aking inang guro na si Virginia ang kahalagahan ng pagkakaisa tuwing ako ay nagiging pasaway.
Para sa aking ina ang magandang samahan ang nagpapalakas sa isang pamilya na magiging susi upang maging matagumpay ang isang komunidad.
Ginawang halimbawa ng pinakamamahal kong ina ang walis tingting na napakahirap hatiin kung nakatali, ngunit hindi ka man lang pagpapawisang baliin kung nakahiwalay ang mga tingting.
Hindi ko binalewala ang ginintuang payo ng aking ina bagkus ay isinaloob hanggang dumating ang panahon na ako ay may sarili na ring pamilya.
Epektibo ito noon at lalo pang epektibo sa kasalukuyang panahon.
Nasabi ko ito, sapagkat hindi dapat maliitin kundi dapat pahalagahan ang ginawang hakbang ng dating Gobernador ng Ilocos Sur at kasalukuyang pangulo ng Philippine National Shooting Association (PNSA) na si Chavit Singson ang kanyang nais na ibalik ang pagkakaisa ng sports community upang muling kumislap ang
pangalan ng Pilipinas sa mga internasyonal na kumpetisyon.
Hindi na bago sa ating kaalaman na napag-iwanan na tayo ng milya-milya ng ating mga kapitbahay sa Southeast Asia at Asia dahil na rin sa magulong sitwasyon ng ilang national sports association (NSA) na hawak ng Philippine Olympic Committee (POC).
May mga gulo sa swimming, volleyball, weightlifting, atbp.
Oo nga’t may apat na ginto (Salamat sa lakas ng mga kababaihan) tayo sa Jakarta-Palembang Asian Games ngunit ito ay malayo sa naabot ng mga karibal nating bansa. Maraming mga NSA ang bigong magbigay ng ginto (boksing, taekwondo, track and field, cycling, wushu, atbp).
At hindi rin naman sikreto na bagamat may mga pagbabago na sa liderato ng POC ay nananatiling hindi buo ang grupo sa ilalim ni Ricky Vargas.
Ginagawa ng Philippine Sports Commission (PSC) sa ilalim ni Butch Ramirez ang lahat upang iangat ang antas ng kalidad ng mga atleta ngunit hanggang saan nga ba ang mararating ng ahensya kung patuloy naman ang pagbabangayan ng mga NSA.
May pinatunayan na si Chavit hindi lang sa pulitika kundi maging sa larangan ng entertainment tulad ng pagiging utak ng matagumpay na 2017 Miss Universe.
Ito ang malinaw. Dahil sa kanyang malawak na karanasan sa ‘‘public service’’ alam ni Chavit kung ano ang dapat gawin at solusyon upang muling sumikat ang araw para sa PH sports.
Ang maganda nito ay matibay ang paniniwala na may pag-asang umahon ang mga atletang Pinoy kung magkakarooon ng bagong direksyon ang POC na tila mabagal ang kilos upang resolbahin ang mga gulong nangyayari sa mga NSA dahil sa di-umano’y kakulangan ng kakayahan ng mga tao ni Vargas na tukuyin ang tunay na sakit ng mga asosasyon.
Sabi nga ng isang mataas na opisyal ng NSA, tila kulang sa interaksyon ang bagong liderato ng POC sa mga nasa ibaba. Sa madaling salita, may sariling mundo ang kasalukuyang POC leadership.
Hindi rin maitatanggi na hindi 100 porsyento makinis ang samahan ng POC at PSC.
Nais ni Chavit na buuin ang mga grupong iba-iba ang direksyon sa POC. Napakagandang ideya nito sapagkat sa bandang huli ay mabibiyayaan ang mga atletang nagpapakamatay upang bigyan ng karangalan ng bayan.
Pulso ni Chavit ang problemang hinaharap ng Pinoy sports at hindi naman masama ang nais niyang pagkakaisa. Inihayag ni Chavit na may tatak ng paninindigan ang nais niyang pamunuan ang mga NSA na hangad ang pagbabago sa POC.
Bakit naman hindi kung malalagay sa tamang daan ang PH sports.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending