Patay sa Benguet, Cebu landslides umabot sa 163; paghahanap tigil na
UMABOT na sa 163 ang kabuuang bilang ng mga nasawi sa malalaking landslide na naganap sa Benguet at Cebu bago itigil ang paghahanap sa iba pang taong natabunan sa mga pagguho.
Pumalo sa 91 ang bilang ng naitalang nasawi sa landslide sa Level 070, Brgy. Ucab, bagi itinigil ang search and retrieval operations noong Linggo, sabi ni Itogon Mayor Victorio Palangdan.
“Wala nang nare-retrieve as if the bodies are all accounted for… The remaining missing in the tally board are maybe the parts of bodies that were recovered,” aniya.
Apat ang narekober na parte ng katawan at tatlo sa mga ito’y maaaring sa mga nawawala pa, anang alkalde.
Bilang paggunita sa mga nasawi at pasasalamat sa mga rescuer, nagsagawa ng katutubong ritwal na pagkatay ng dalawang baboy at isang aso malapit sa pinangyarihan, ani Palangdan.
Samantala, nakatakdang ianunsyo ngayong tanghali (Miyerkules) ang pagtigil ng search and retrieval operations sa landslide area sa Naga City, Cebu, sabi ni Concepcion Ornopia, direktor ng Office of Civil Defense-7.
“Sa assessment ng MGB (Mines and Geosciences Bureau), ‘yung surrounding areas very risky na rin para sa mga responders… malambot na masyado ‘yung lupa kaya nga kaunting ulan lang, tinitigil ‘yung retrieval,” aniya.
Umabot sa 72 ang nakumpirmang nasawi sa naturang landslide, kung saan narekober ang 65 bangkay, limang parte ng katawan na kinilala ng mga kaanak, at dalawang parte ng katawan na di pa mabatid kung kanino, ayon kay Ornopia.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.