KAMAKAILAN lang ay pumasa sa ikatlo at huling pagbasa sa Senado ang panukala para sa pagtatag ng Philippine Boxing and Combat Sports Commission.
Layunin umano ng Senate Bill No. 1306 o ang Philippine Boxing and Combat Sports Commission Act of 2018 na masiguro ang kaligtasan at kapakanan ng mga Pilipino sa larangan ng professional boxing at iba pang combat sports tulad ng mixed martial arts (MMA).
Siyempre pa, ang sponsor ng panukalang ito ay si Senator Manny Pacquiao na isang world champion boxer.
Aniya sa kanyang sponsorship speech sa Senado, nararapat lamang na ang mga Pinoy pro boxers ay mabigyan ng pansin, suporta at kaukulang tulong dahil ibinubuwis nila ang kanilang buhay para sa bansa.
Ang itatatag na Philippine Boxing and Combat Sports Commission ay pamumunuan ng isang chairman at apat na commissioners at mapapasailalim sa opisina ng Presidente.
Sisiguruhin din ng naturang panukala na mapabilang ang mga atletang ito sa Social Security System (SSS), National Health Insurance Program-Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth) at Home Development Mutual Fund (Pag-Ibig).
Mabibigyan din umano ng alternative livelihood programs ang mga retired at injured boxers at MMA fighters.
Mayroon na rin itong counterpart sa House of Representatives na inihain ng kapatid ni Senator Manny na si Rep. Rogelio Pacquiao ng Sarangani Province.
Maganda ang layunin ni Pacquiao na matagal nang isinusulong sa Kamara na magkaroon ng boxing commission noong Congressman pa lamang siya.
Gayunman, tatlong letra lamang ang masasabi ko patungkol sa panukalang ito.
G-A-B
Bukod sa pag-require na magkaroon ng SSS, Philhealth at Pag-ibig ang mga boxers, hindi ba ginagawa na ng Games and Amusements Board ang mga tungkuling ito?
Sa pagkakaalam ko ay nabigyan pa nga ng libreng MRI (magnetic resonance imaging), CT (computed tomography) scan at iba pang health examinations ang mga professional boxers at MMA fighters sa mga pampublikong ospital.
Ang kasunduang ito ay tatagal pa ng dalawang taon ayon sa kasunduan sa pagitan ng GAB at Department of Health sa ilalim ng pamumuno ni GAB chairman Abraham Kahlil “Baham” Mitra at Health Secretary Francisco Duque III.
Noong isang taon pa may libreng medical check-up ang mga boxers sa panahon pa ni dating Health secretary Paulyn Jean Ubial.
Marami nang nagawa si Mitra para maayos ang pamamalakad sa GAB at matugunan ang mga pangangailangan ng mga boxers at promoters.
Nakasaad sa position paper na isinumite ng GAB sa Senado ang mariing pagtutol nito sa naturang Senate Bill.
“We respectfully submit that the creation of the proposed Commission shall lead to the duplication of office and function of the Games and Amusements Board,” ayon sa nakasulat sa position paper.
“The proposed creation of the Philippine Boxing Commission therefore will divest the GAB one of its original functions for which said Board was purposely created, leaving the said Board with less than 30% of its vested powers and functions under the existing laws.”
Ang lahat ng trabaho at tungkulin ng itatatag na boxing commission ay kayang gampanan at matagal nang ginagampanan ng GAB.
Ang isa pang tinututulan ko rito ay ang pagkakaroon ng malaki at hiwalay na budget para sa boxing commission.
Sa GAB, ang boxing ay isang division lamang pero kapag nabuo na ang boxing commission ay magkakaroon na ito ng budget na maaaring umabot sa P150 milyon at may isang chairman at apat na commissioners pa ito.
Sabi nga sa isang Facebook post ng isang boxing manager at promoter: Ang pamamahala sa sangay ng Gobyerno ay parang sasakyan lang pag kelangan e overhaul saka pa lang pagawa e ang Gab ng gumanda saka papalitan… tsk, bakit kaya?
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.