MAS makasasama kesa makabubuti ang hidwaan. Kailangan pa palang magkaroon ng paghahati upang makilala ang mga tunay at subok na. Iyan ang Pagninilay sa Unang Pagbasa sa Ebanghelyo (1 Cor 11:17-26, 33; Sal 40: 7-10, 17; Lc 7:1-10) sa Paggunita kay San Roberto Belarmino, obispo’t pantas ng simbahan.
Watak na diskarte sa krisis; sa pamilya, sa simbahang Katolika, sa gobyerno’t oposisyon, maging sa militar. Hindi makikita sa galaw ng tubig sa itaas dahil nasa ilalim ang yugyog nang hatulan sa Malolos si Heneral Jovito Palparan. Maraming sundalo ang lumaban sa komunista, namatay sa pagpapakabayani sa kakarampot na suweldo; at ang mga nabuhay ay nabilanggo. Kapag komunista ang pumatay, malaya, tulad ni FVR (marami ang pinatay ng PC noon, ang iba’y mismong sa loob ng mga Recom).
Hindi mag-aalsa ang nasaktang mga sundalo. Pero, kimkim nila ang galit at poot. Kapag komunista ay may puwang. Tulad ng mga nanindigan kontra Marcos. Sa kanilang paninindigan ay pumatay sila ng mga sundalo; at mismong kahanay nila. Ang masakit, sila pa ang may karapatan (daw) na humingi ng kabayaran. Ang paninindigan ay hindi binabayaran, maliban sa komunista.
Lahat ng kilos ng pangulo ay mali para sa oposisyon. Pero, sinong ipapalit ng Kano? Si Trillanes? Si Alejano? Si Aquino, Bam? Si Drilon? Si Lagman? Nagtagumpay na nga sila para ikintal sa mahihirap ang krisis, pero wala pala silang solusyon kundi ang patalsikin si Duterte? Huwag nang mag-eleksyon kung dadaanin na lang sa kalampagan ang pagbabago.
Sandaigdigan ang pagdurog sa simbahang Katolika hinggil sa isyu ng sex, pero tigas at tindig pa rin ito pagkalipas ng 2,000 taon (simula Pentekostes). Simula ikaapat na siglo, ang kabanalan at kabutihan ay ipinalaganap na; at hanggang kahapon ay itinuturo ng tatlong guwardiya sa kalye Maskardo, Makati ang pagpapakabait sa kanilang mga anak.
Sa diocese ng Malolos, tulung-tulong ang pari’t layko sa taon ng Clergy at Consecrated Persons para labanan ang tukso ng laman. Nangungumpisal ang layko at hinihikayat nila ang naliligaw na mga pari na magbago agad at huwag magmimisa hangga’t di nangungumpisal sa obispo. Epektib. Maaaring may dahilan kung bakit tanyag ang problema pero mas nakagagaan kung daragdagan ang pagmamahal sa simbahan, kesa bawasan.
Sa pamilya, ang krisis sa pera’t pamumuhay ay di maiibsan ng away at sisihan. Di watak na diskarte ang sagot kundi solusyon ng bawat isa na makakalap sa pagtutulungan. Gawin ang tamang pag-ayon sa agos at pagkontra. Umpisahan sa load at gadgets, alak at yosi, gala sa mall o gawa sa bahay, magbisikleta’t mag-motor na lang muna, atbp. Huwag kontrahin ang maraming paraan.
Petmalu naman kung hahanapan ng programa de gobyerno, “academic credentials” at “qualifications” si Bong Go. Porke ba’t tatalunin kayo, dilawan, ni Go? Hindi hinanapan ng ganyan sina Lito Lapid at Manny Pacquiao. Kung nagnakaw si Go kaya siya naging bilyonaryo, bakit di siya kinasuhan? Kung naging bilyonaryo si Rolito Go sa construction, puwede rin si Bong Go, bagaman di sila magkamag-anak at magkasosyo.
UST (Usaping Senior at Talakayan sa San Jose, Bulakan, Bulacan): Walang makaiiwas sa retirement. Parang kamatayan, dumarating; napapaaga, sa tamang panahon, ipinagpapaliban. Masigasig at masidhing talakayan ang retirement sa mga senior. May naninindigan na kaya pa dahil hindi pa baliw, may nagsasabing napapanahon na. Pero, sapat na ang nakalap na kaisipan sa 50 taon; pagsapit ng 60-anyos, sa bagong mundo, dala ang ginintuang karanasan, kaalaman at kabanalan.
PAGBABAHAGI sa Nilayan (Nilay-ugnayan sa Poblacion, Meycauayan, Bulacan): Kailangang manalo sa gera kontra droga. Dapat bang mamuhay sa gulo’t karahasan ng kahapon? Ang pamumuhay sa dilim ng droga ay tagumpay ng kasamaan. Umunlad ang lunsod di dahil sa droga kundi dahil sa pagsisikap ng normal na mamamayan. Huwag maging abnormal.
PANALANGIN: Loobin Mo na ako’y iligtas. Agad akong saklolohan. Sal 40:14
MULA sa bayan (0916-5401958): Bakit may pagsabog? Di ba’t martial dito? Vendor ako at parating nasa kalye. Nakakatakot. …6730, Bula, General Santos City.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.