SUMAKABILANG-BUHAY na si Horacio de Jesus o mas kilala bilang Tarzan ng singing duo na Tarzan At Baby Jane. Siya ay 76 years old.
Kinumpirma ng kanyang anak na si Raquel “Baby Jane” de Jesus at ng pamangkin niyang si Cristina Piamonte ang malungkot na balita sa isang panayam sa TV.
“Mayroon siyang high blood, diabetes, at nagkaroon rin ng pneumonia pero gumaling na,” kuwento ni Raquel sa GMA. Inireklamo raw ng ama ang matinding sakit ng ulo at pagsusuka.
Isinugod daw nila si Tarzan sa Caloocan City General Hospital pero na-comatose at pumanaw na nga nitong Martes.
Sumikat noong dekada 70 hanggang dekada 80 ang father and daughter tandem dahil sa plaka nilang “Kwelang-Kwela” kung saan nakapaloob ang mga pinasikat nilang awitin tulad ng “Mano Po,” “Nasaan Ang Nanay” at “Pasko ng Ninong Ko.”
Nakalabas din sila sa ilang TV show noon tulad ng sitcom na Joey And Son nina Joey de Leon at Ian Veneracion. Nakatrabaho rin nila ang ilang sikat na artista tulad nina Sharon Cuneta, Rowell Santiago at Christopher de Leon.
Sinabi pa ni Raquel sa isang panayam na mula nang tumigil sila sa pag-aartista at pagkanta ay nag-train ang kanyang ama ng mga kabataan para kumanta at umarte.
“Nagso-show pa siya, may mga tine-train na mga bata. Sa ngayon meron siyang Tarzan and Kids, nagko-comedy, kumakanta sa mga piyestahan,” kuwento pa ni Raquel.
Ngayong Linggo na ililibing si Tarzan. Naiwan niya ang kanyang asawa si Imelda at mga anak na sina Russell, Raquel, Runnell, Runsell at Rundell.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.