BAGUIO City — Nagwagi ng tigatlong gintong medalya ang host na Baguio City at karibal sa overall title na Pangasinan Martes ng umaga sa Poomsae at Kyorugi event ng taekwondo competition ng 2018 Batang Pinoy National Championships dito sa University of Baguio.
Nag-ambag ng gintong medalya para sa host city ang magkapatid na sina Lei at Rain Ramon sa Kyurugi habang inangkin nina Gabriel Ivan Inacay, Zeik Jhay Ceniza at Zeick Andrei Tacay ang titulo sa cadet team category sa Poomsae.
Tinalo ni Lei Ramon sa cadet female featherweight class finals si Chrystler Kate Cleofe ng Naga City habang binigo ni Rain Ramon sa lightweight division si Christine Leire Malapit ng Aklan.
Dalawang ginto naman ang ibinigay sa Pangasinan ni James Oranza sa pagwawagi sa junior individual male sa poomsae bago nakipagpareha kay Kristine Roxas sa junior pair habang nagwagi din para sa probinsiya si Ericka Claudette Edrosolan sa girls middleweight sa pagbigo kay Rapaela Mandap ng San Pablo City sa Kyurugi event.
Ang iba pang nagwagi ng ginto sa Kyurugi ay sina Ella Mae Talite ng Panabo City sa finweight, Asha Blanche Paga ng Cebu Province sa flyweight, Leigh Andee Rodriguez ng Bacolod City sa bantamweight, Sharifa Vianca Dela Cruz ng Nueva Ecija sa welterweight at Charisse Esclamado ng Cagayan De Oro sa light middleweight.
Panalo rin si Marinel Burton ng Nueva Ecija sa light heavyweight at si Pauline Marie Peralta ng Aklan sa heavyweight.
Nagwagi rin ng dalawang ginto si Paul Anthony Rodriguez para sa General Santos City sa pagwawagi nito sa cadet individual male bago nakipagpareha kay Aleya Rayzal Labao para sa ginto sa cadet pair.
Iniuwi ni Maria Nicole Anne Labayne ng Quezon City ang ginto sa cadet individual female habang wagi sa junior individual female si Cindy Joy Diasnes ng Iloilo City.
Nakamit din ni Diasnes ang ikalawang ginto sa junior team kasama sina Sophia Marie Tungala at Kershel Kail Silava.
3 ginto kay Mojdeh
Samantala, hindi naging hadlang ang malamig na panahon para kay Micaela Jasmin Mojdeh upang kunin ang kanyang ikatlong ginto sa swimming competition sa Baguio National High School swimming pool.
Matapos na makuha ang unang ginto sa 100m butterfly event sa unang araw ng kompetisyon ay sinundan ito ni Mojdeh ng ginto sa 400m Individual medley (5:37.36) at 50m Butterfly (30.57).
Itatala sana ng 13-anyos na si Mojdeh ang kanyang ikaapat na ginto kundi lamang ito nilamig nang husto sa kanyang paglangoy sa 200-meter breaststroke at naungusan ni Roz Ciaralene Encarnacion ng Laguna Province. —Angelito Oredo
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.