Lyceum Pirates rumatsada sa ika-12 diretsong panalo
Team Standings: Lyceum (12-0); San Beda (11-1); Letran (7-4); St. Benilde (7-4); Perpetual Help (5-5); Arellano (4-6); San Sebastian (3-9); Mapua (3-8); EAC (2-9); JRU (2-10)
NANATILING malinis ang kartada ng Lyceum of the Philippines University Pirates matapos nitong biguin muli ang mas agresibong Emilio Aguinaldo College Generals, 95-75, para sa ika-12 nitong sunod na panalo sa NCAA Season 94 men’s basketball tournament Biyernes sa Filoil Flying V Centre, San Juan City.
Pinuwersa ng Pirates sa season high na 38 turnover ang Generals sa second half ng laro upang itala ang 20 puntos na panalo at ipagpatuloy ang kanilang diretsong pagwawagi sa eliminasyon sa kabuuang 30 simula pa noong nakaraang taon.
“I think it’s important on the way that we have to be disciplined, and the way we play defense especially on offense,” sabi ni Lyceum coach Topex Robinson. “It is no surprise to us that the game’s close in the first half.”
Pinangunahan muli ni Season 93 MVP CJ Perez ang Pirates sa tinipon na 19 puntos at limang rebound habang nagdagdag si Mike Nzeusseu ng 18 puntos. Nag-ambag si Jaycee Marcelino, na naglaro kahit may sakit, ng 15 puntos habang sina Ralph Tansingco at Jayvee Marcelino ay may 11 at 10 puntos.
Pinamunuan naman ni Jerome Garcia ang Generals sa itinalang career-high 30 puntos at siyam na rebound.
Sa ikalawang laro, naghulog si Laurenz Victoria ng game-winning basket para tulungan ang Mapua University Cardinals na maungusan ang Jose Rizal University Heavy Bombers, 81-79.
Tumirada ng game-winning jumper si Victoria sa harap ng depensa ni Jed Mendoza may 0.7 segundo ang nalalabi sa laro.
Ang pagwawagi ng Mapua ay pumutol sa kanilang six-game losing streak at nagpaangat sa kartada ng Cardinals sa 3-8.
May pagkakataon sana ang JRU na itabla ang laro subalit sumablay ang jumper ni JR Aguilar.
Pinangunahan ni Victoria ang Cardinals sa ginawang 17 puntos habang si Warren Bonifacio ay nagdagdag ng 13 puntos.
Nag-ambag naman sina Noah Lugo at Cedric Pelayo ng tig-10 puntos para sa Mapua.
Namuno para sa JRU si Jonathan Mendoza na kumamada ng 22 puntos.
Samantala, kinansela ng NCAA Management Committee ang mga laro ngayong Biyernes matapos magsuspindi ng klase sa lahat ng antas ang pamahalaan para makaiwas sa banta ng super typhoon Ompong.
Kabilang sa mga nakanselang laro ngayon ay ang laban ng Arellano University Chiefs kontra San Sebastian College Stags, San Beda University Red Lions na sasagupa sa University of Perpetual Help Altas at ang salpukan ng Letran Knights at College of St. Benilde Blazers.
Maliban sa basketball, kanselado na rin ang mga laro sa badminton ngayong araw.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.