Nabuking: Sindikato na nangloloko sa mga contestant ng Wowowin kinastigo ni Willie
Salamat naman at mabubuwag na ang sindikatong nangloloko ng mga kababayan nating personal na nanonood ng Wowowin ni Willie Revillame. Masarap ang buhay ng mga taong ‘yun, kumikita sila nang walang kahirap-hirap, dahil sa panggagatas sa mga kalahok na nananalo sa game show ng actor-TV host.
May tumatayong booker ng mga grupong sumasali sa Wowowin, pinagbubuo nito ng grupo ang mga gustong manood ng show, saka isasali sa mga palaro.
Commissioner ang papel nito, kapag may napanalunang malaking halaga ang grupo ay mas malaki pa ang sa kanya kesa sa nagpakahirap para manalo, grabe ang kapal ng mukha ng taong ‘yun.
Meron ding mga nagbebenta ng t-shirts ng Wowowin, nakaimprenta na ang mga t-shirts para maisuot ng mga sasali sa game show, napakalaki ng halaga ng t-shirts na barya lang ang kanilang ipinupuhunan.
Tama ang sinabi ni Willie na ginagawang gatasan ng mga taong ‘yun ang kanyang programa, kasabay ang pagkaawa sa mga kababayan nating bumibiyahe at naglalaan ng mahalagang panahon para makarating sa Wowowin.
Pero gagatasan lang pala ng mga walanghiyang nakaabang at du’n na yata tumitira sa pilahan ng audience.
Maganda ang puso ni Willie Revillame, malapit ang kalooban niya sa maliliit, pero hindi siya makapapayag na maging biktima ng sindikato ang mga taong binabago niya ang estado ng buhay sa pamamagitan ng kanyang programa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.