PAANO nga ba pinaghahandaan ng ating mga OFW ang kanilang pagbabalik sa bansa pagkatapos ng mahabang mga taon ng pagtatrabaho sa ibayong dagat?
Dati-rati kasi todo-todo ang pagpapadala sa pamilya ng kanilang mga kinikita sa abroad. Ang malungkot, sa kanilang pagbabalik, sama lang ng loob ang kanilang matitikman.
Walang naipon, ubos- ubos ang padala, palaging pa ngang may reklamo na kulang pa. Ano nga naman ang maaasahan?
Sa halip na maging kaaya-aya ang kanilang pagbabalik, mabubugnot lamang ito, makukunsumi dahil wala nang pera at hindi naman nila kayang umasa na lamang sa hingi at bigay ng mga anak o ibang miyembro ng pamilya.
Ganoon din sa panig ng pamilyang dinatnan. Siyempre nga naman sanay silang malaya at masayang tumatanggap ng perang padala mula sa abroad, at kapag nanatili na sa kanilang bahay ang OFW at ramdam nila, wala na silang aasahan pa, nagiging mabigat ang pagtrato nila sa mga ito.
Kaya nagiging maigting ang relasyong pampamilya.
Sa halip na masayang pamilya, napapalitan iyon ng puro away, sagutan, sumbatan.
Nagsisisi tuloy ang OFW kung bakit nakauwi-uwi pa siya ng Pilipinas. Manghihinayang siya sa trabahong iniwan lalo pa’t iisipin niyang malakas pa naman siya at kaya pang magtrabaho. Maliban na lamang kung may sakit na ito at wala na ngang tatanggap pa sa kaniya.
Kaya naman ang makabuluhang pagbabalik ng OFW sa bansa ang siyang tinututukan ni Labor Attache Reydeluz Conferido ng Philippine Embassy sa London, United Kingdom.
Walang kapaguran siyang naghahandog ng samu’t-saring mga aralin at kasanayang pangkabuhayan sa ating mga kababayan.
Walang hinto ang pagbibigay niya ng mga livelihood program at skills training bilang paghahanda kapag nag-for-good na ang ating OFW.
Ayon kay Conferido, kapag pinaghahandaan ang kanilang pagbabalik at may aasahang kabuhayan, tiyak na magiging kapana -panabik sa magkabilang-panig ang desisyong umuwi na ng bansa.
Ngayon nakasentro naman si Conferido sa makabagong mga teknolohiya ng pagtatanim. Na kahit walang lupang matatanan, tiyak ‘anya na may aanihin. Kahit anong panahon, tag-init o taglamig man o kahit nagyeyelo o winter time.
Dagdag pa ni Labatt ReyCon kahit nasa abroad pa sila, tiyak na mapakikinabangan na nila ang gayong mga kasanayan .
Lalo pa sa kanilang pagbabalik ng bansa. Tiyak na patok ito dahil puwedeng-puwede nang maasahan kahit pampersonal na mga pangangailangan at puwede na nilang ihain sa kanilang mga kapag-kainan.
Salamat sa isang Labatt Rey Conferido na walang inasam kundi ang kapakanan at interes ng ating mga OFW sa ibayong dagat!
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM(M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziqHelpline: 0998.991.BOCW E-mail: [email protected]/[email protected]
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.