Confession ng dumaan sa fixer

By Ira Panganiban September 07,2018
share this

Confession ng dumaan sa fixer

By Ira Panganiban September 07,2018
share this

NOONG araw sinubukan kong pumasok sa negosyo ng UV Express. Bumili ako ng dalawang Nissan Urvan at pumunta ako agad sa Land Transportation Regulatory and Franchising Board o LTFRB para kumuha ng prangkisa dahil ito raw ang kailangan gawin.

Sa LTFRB ay sinalubong ako ng kontak ng isang kaibigan. Yung kontak ay fixer pala at ang ginawa namin ay kumausap kami ng isang tao na may dating prangkisa at binili ko na lang ito sa kanya.

Mas mabilis daw ito kesa kukuha ako mismo sa LTFRB at matagal daw iyon. May hearing pa daw na dadaanan para makakuha ako ng case number bago ko magagawang ipasada ang mga Urvan ko bilang UV Express.

Nagbayad ako ng tig-P200,000 para sa prangkisa ng dalawang Urvan o umabot sa P400,000. Aaminin ko, noong magsawa ako ay ibinenta ko rin yung prangkisa sa parehong halaga kasabay ng pagbenta ko ng mga Urvan.

Pero isang ay nagtungo ako sa LTFRB at nakausap ko ang dalawang opisyal nito. Sina LTFRB Chairman Martin Delgra III at si Board Member Atty. Aileen Lizada. Dito nalaman ko ang isang masakit na katotohanan, “WALANG BAYAD ANG PRANGKISA NG PUBLIC UTILITY TRANSPORT.”

Actually meron din pala, mga P570 lang para sa mga documentation and processing fees. Pero maliban dito, walang bayad ang prangkisa. Sabi ni Delgra, ito ay dahil ang prangkisa ay isang pribilehiyo na may kaakibat na responsibilidad. Hindi ito karapatan dahil ang sagutin mo rito ay kaligtasan ng iyong pasahero.

Naging gawain umano ito nang ipatigil ng LTFRB ang pagbibigay ng prangkisa dahil overpopulated na ang mga public transportation sa Metro Manila at hindi na ito nakatutulong sa sikip ng kalsada. May 10 years na rin itong sarado.

Umabot ito sa sistema na maging mga kawani ng LTFRB ay ginagamit ang sistemang ito sa maling paraan tulad ng pagbibigay ng case number (ito po ang franchise number ninyo at hindi ito kaso sa korte) na peke o kaya ay pagsertipika sa mga kabit system na prangkisa.

Ayon kay Delgra, isa ito sa itinigil ng LTFRB sa ilalim niya at at bahagi ito ng tinatawag nilang “Public Transportation Modernization Program” kung saan itinataas nila ang antas ng legal na public transport tulad ng bus, jeep, at taxi kabilang na ang mga ride-sharing app tulad ng Grab.

Kasama rin dito ang pagsasaayos ng ruta ng public transport sa ilalim ng Route Rationalization Program para hindi nakakalat ang mga bus at jeep kung saan-saan na nagbabantay ng pasahe.

Nais kasi nila Delgra at Lizada na magkaroon ng “dignity” ang mga commuters sa ating bansa.

Para sa komento at suhestiyon sumulat po lamang sa irie.panganiban@gmail.com o kaya ay sa inquirerbandera2016@gmail.com.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending