BAD news.
Ayon sa Department of Economic Research ng Bangko Sentral ng Pilipinas, papalo sa 5.9 porsyento ang inflation rate noong Agosto.
Ibig sabihin nito ay mas konti ang nabili ng maraming Pilipino sa kanilang suweldo noong nakaraang buwan.
Mas mataas rin ito sa 5.7 porsyentong inflation rate noong Hulyo kaya kung maraming nasaktan sa mahal noon, mas marami noong Agosto. Talagang patuloy na nawawalan ng halaga ang pera.
Nananatili ang sweldo pero ang halaga nito ay lumiliit.
Para mas madaling maintindihan kung dati ang P1,000 mo ay makakabili ng pagkain ng pamilya mo para sa dalawang linggo, ngayon ‘yung P1,000 mo ay baka hindi pa magkasya sa isang linggo.
Ngayon ay may mga umaangal na kasi umabot na sa P1,000 ang bawat kilo ng sili.
At maliit na rin daw ang chicken na mabibili sa mga fast food. Kung dati ay busog ka na sa one piece, ngayon ay alanganing pa ang two-piece.
Lumalaki ang gastos pero hindi naman nadadagdagan ang sweldo. Mas mabilis tumaas ang gastos kesa kita kaya malamang marami nanamang Pinoy ang sumala sa kain.
Ang bagsak nila ay “forced diet” or “no choice kundi diet.” Wala naman silang magagawa, kahit na gusto nilang kumain ay wala namang makain kaya no choice kundi magpagutom na lang.
Ang solusyon sa maasim at kumakalam na sikmura ay tubig, hindi pa mineral water kundi criminal water— tubig na direktang iniinom sa gripo. Criminal daw kasi baka gawan ka ng masama ng tubig. Kapag kumulo ang tiyan mo, tubig ang may sala, siya ang kriminal.
May lumabas na meme sa social media. Kung ang shabu ay ibinebenta ng naka-sachet dahil mahal, ang bigas ay baka ganito na rin daw ang maging bentahan.
Sachet na ang bilihan ng bigas at hindi na per sako dahil sa mataas na presyo.
May mga pulitiko naman na nakikiramdam sa magiging epekto ng mataas na presyo sa 2019 midterm elections.
Ang iniisip nila ay kung matutulad ang mga kandidato ng administrasyon sa Team Unity noong 2007.
Nakaupo bilang pangulo noon ang ngayon ay Speaker Gloria Macapagal Arroyo pero talunan ang halos lahat ng kanilang kandidato.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.