Goyo batang heneral na ‘pa-fall’; hindi nagpakabog kay Gen.Luna
IBANG-IBA nga ang atake ni Jerrold Tarog sa “Goyo: Ang Batang Heneral” ni Paulo Avelino sa “Heneral Luna” ni John Arcilla.
Kung naingayan at nagalit kayo sa laging sumusigaw at pagmumura ni Luna, siguradong makikisimpatya naman ang mga manonood sa naging buhay at pakikipaglaban ni Gregorio del Pilar para sa bayan.
Napanood na namin ang “Goyo” sa ginanap na bonggang premiere night ng pelikula (ipinalabas sa apat na sinehan sa Megamall) na dinaluhan ng buong cast sa pangunguna nga ni Paulo at ng leading lady niyang si Gwen Zamora na gumanap bilang Remedios Nable Jose, ang huling babae sa buhay ni Goyo.
Expected na namin ang bonggang production design, musical scoring, editing at cinematography ng pelikula dahil namaster na yan ng TBA Studios, Artikulo Uno at Globe Studios tulad na
lang sa mga past movies nila kabilang na riyan ang blockbuster hit na “Heneral Luna”.
Ang nais talaga naming mapanood ay kung paano tatapatan o malalampasan ni Paulo ang galing ni John Arcilla sa “Heneral Luna”. In fairness, hindi nagpakabog ang binata, nabigyan din niya ng hustisya ang pagganap bilang Goyo na inilarawan nga ng mga millennials na nakapanood na nito bilang playboy at pa-fall na batang bayani.
Dahil nga sa kagwapuhan at kakisigan ni Goyo, maraming babae ang nagkakagusto sa kanya, ito ang dahilan kung bakit nagdadalawang-isip si Remedios na tanggapin ang inaalok niyang pag-ibig.
Ipinakita rin sa pelikula kung paano mag-isip at magdesisyon ang isang 24 taong gulang na binatang heneral, kung ano ba sa tingin niya ang dapat unahin at bigyang-timbang sa panahon ng giyera– ang kanyang lovelife ba o pagmamahal at pagtatanggol sa bayan.
Dito sasagutin kung matatawag nga bang heroic soldier si Goyo o isang bulag na sundalo na sunud-sunuran lang kay Emilio Aguinaldo (muling ginampanan ni Mon Confiado)?
Hindi boring ang “Goyo” kahit hindi ito masyadong maaksyon o kasing-ingay ng “Heneral Luna” dahil siniguro ni Direk Jerrold na mula simula hanggang ending ay mapi-feel mo na parang bahagi ka rin ng pelikula, na isa ka rin sa mga Filipino noon na nakikipaglaban kasama si Goyo.
Alam na nating lahat na mamamatay si Goyo sa bandang huli ng pelikula, pero magugulat ka pa rin kung paano in-execute ni Direk Jerrold ang death scene ng batang bayani habang nagaganap ang pagsugod ng mga Amerikanong sundalo sa Tirad Pass. Talagang napamura kami sa eksenang ito.
Si Epy Quizon pa rin ang gumanap na Apolinario Mabini sa “Goyo” na tumawid nga mula sa “Heneral Luna” habang binuhay muli ang karakter ni Arron Villaflor bilang si Joven, ang photo journalist na nakasama rin nina Goyo habang nakikipaglaban sa giyera.
Markdo rin dito ang mga karakter nina Carlo Aquino, Rafa-Suigion Reyna, Art Acuna, Alvin Anson, Ronnie Lazaro, Matt Evans, RK Bagatsing, Che Ramos, Empress, Karl Medina at Benjamin Alves na gumaganap bilang Manuel L. Quezon na siya namang bibida sa third installment ng historical trilogy na ito.
Swak na swak din ang kantang “Bato Sa Buhangin” na ginamit sa ending ng “Goyo” na kinanta ni Glaiza de Castro.
Showing na sa Sept. 5 ang “Goyo: Ang Batang Heneral” at sinisiguro namin sa inyo na hindi masasayang ang ibabayad n’yo sa sinehan kapag pinanood n’yo ang pelikula. Perfect din ito sa mga estudyante na nagsawa na sa kababasa ng mga historical books.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.