Huwag matakot tumaba pag tumigil sa sigarilyo
KUNG ititigil mo ang paninigarilyo, tataba ka. Kaya titigil ka ba?
May mga tao na nagdadalawang-isip na tumigil magyosi dahil sa pangambang sila ay tataba, at magdudulot ito ng problema rin sa kanilang kalusugan. Mas marami kasing sakit ang mataba.
Pero ayon sa isang pag-aaral sa Harvard University mas mahaba ang buhay ng mga taong tumaba matapos tumigil sa paninigarilyo, kaysa sa mga taong nagpatuloy sa pagyoyosi.
Mas mababa ng 50 porsiyento ang kanilang tyansa na mamatay nang maaga dahil sa sakit sa puso at iba pang problemang pangkalusugan.
Ayon kay Dr. William Dietz, isang public health expert sa George Washington University, dapat ay alisin na sa isip ng publiko na mayroong ibubungang hindi maganda ang pagtigil sa paninigarilyo.
Dahil sa nicotine na nasa sigarilyo, nababawasan ang gana sa pagkain at napabibilis nito ang metabolismo kaya pumapayat ang isang naninigarilyo.
Ang mga tumigil sa paninigarilyo ay muling lumalakas sa pagkain kaya sila tumataba. Ang pagtaba ay iniuugnay sa diabetes.
Ang diabetes ay maaaring magresulta sa pagkabulag, pagkasira ng ugat, sakit sa puso at kidney.
Pinag-aralan ang mahigit sa 170,000 lalaki at babae sa nakalipas na 20 taon. Pinasasagot sila ng questionnaire kada dalawang taon.
Matapos tumigil sa paninigarilyo ang ilan ay tinignan kung ano ang naging pagbabago sa kanila.
Bumaba ng 22 porsiyento ang tyansa na magkaroon ng diabetes ang mga tumigil sa paninigarilyo sa loob ng anim na taon.
Mayroon ding pag-aaral na nailathala sa New England Journal of Medicine na nagsasabi na ang pagtigil sa paninigarilyo ay isa sa pinakamagandang magagawa ng isang taong may diabetes upang humaba ang kanyang buhay.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.