‘Bakwit Boys’ nakakuha ng Grade A sa CEB; pinipilahan sa 2018 PPP
MAGANDA ang response ng mga tao sa pagbubukas ng 2nd Pista Ng Pelikulang Pilipino kahapon, lalo na sa entry na “Bakwit Boys” na binigyan ng Cinema Evaluation Board ng Grade A.
Ito’y idinirek ni Jason Paul Laxamana mula sa T-Rex Entertainment.
Hango ang istorya ng “Bakwit Boys” sa karanasang ikinuwento ni direk Jason Paul sa presscon ng pelikula na noong hindi pa siya nagdidirek ay tumutulong siya sa mga kababayan niya sa Pampanga na nagtayo ng banda na pawang OPM songs ang kinakanta.
Si direk Paul ang nagpe-present sa recording studios at MYX bukod sa ina-upload niya sa YouTube para mapakinggan ng mas maraming tao.
Inspirational ang kuwento ng “Bakwit Boys” para sa mga taong dumanas ng hirap sa buhay na huwag mawalan ng pag-asa tulad ng nangyari sa magkakapatid sa pelikula na ginampanan nina Ryle Santiago, Markie Empuerto, Vance Larena at Nikko Natividad na mga biktima ng baha sa isang lugar sa Isabela at kinailangang mag-evacuate sa bahay ng lolo nila sa Pampanga.
Marunong kumanta sina Vance at Markie, tumutugtog naman ng gitara si Ryle at si Nikko ang nagsusulat ng kinakanta ng mga kapatid at ginamit nila ito para makilala sila at kumita nang makatulong sa mga magulang na naiwan sa Isabela.
Naimbitahan ang magkakapatid ng kaibigan ng lolo nilang kapitan sa barangay para kumanta sa piyesta at doon nila nakilala ang karakter ni Devon Seron na may kakilalang DJ sa sikat na radio station sa Pampanga. Siguradong maraming makaka-relate sa istorya ng “Bakwit Boys” lalo na sa mga eksena ng magkakapatid.
Aliw kami sa dalawang pelikulang entry ni Direk Jason Paul sa 2018 Pista Ng Pelikulang Pilipino, parehong probinsya ang location ng “The Day After Valentine’s” at “Bakwit Boys,” sosyal nga lang ang sa una dahil sa ibang bansa ang location nito kaya sigurado kaming mas malaki ang nagastos ng Viva Films kumpara sa T-Rex.
Anyway, General Patronage o GP ang ibinigay na rating ng MTRCB sa “Bakwit Boys” kaya puwede itong mapanood ng mga bata lalo na ng supporters ni Mackie Empuerto na miyembro ng TNT Boys.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.