50-0 record ng kalaban wawasakin ng Pinoy boxer
KASAMA ng kasalukuyang Philippine minimumweight champion na si
Pedro Taduran (ika-2 mula kaliwa) sina Jackie Lou Cacho, assistant chief
ng GAB boxing & other contact sports division, trainer niyang si Tacy Macalos
at GAB chairman Baham Mitra.
ISANG professional Pinoy boxer ang magtatangka na mawasak ang malinis na 50-0 win-loss record ng kalaban.
Ang tinutukoy ko ay hindi sina Manny Pacquiao at ang wala pang talong si Floyd Mayweather Jr. kundi ang 21-anyos na si Pedro Taduran na lalaban kay unbeaten World Boxing Council (WBC) world minimumweight champion Chayaphon Moonsri ng Thailand na kasalukuyang katabla si Mayweather sa dami ng panalo.
Si Moonsri, na kilala rin sa Thailand bilang Wanheng Menayothin at Kaiyanghada, ang tinaguriang “Drawf Giant” sa mundo ng pro boxing.
Tinalo ng 5-foot-2 at 105-pound Thai boxer si Leroy Estrada ng Panama nitong Mayo lamang para sa kanyang ika-50 diretsong panalo.
Mula nang umpisa siyang lumaban bilang pro noong Enero 2007 kontra kay Roel Gade ng Pilipinas ay 20 iba pang Pilipino ang tinalo ni Moonsri. Ang iba pa niyang Pinoy na nabiktima ay sina Jaysever Abcede, Melvin Jerusalem, Jerry Tomogdan, Jeffrey Galero, Raul Pusta Jr., Roilo Golez, Jerson Luzarito, Jonathan Refugio, Albert Alcoy, Crison Omayao, Jetly Purisima, Florante Condes, Noli Morales, Remy Cuambot, Jayson Rotoni, Ruel Lagunero, Ardin Diale, Armando de la Cruz, Dennis Juntillano at Danny Linasa.
Hawak ni Moonsri ang WBC minimumweight belt mula pa noong naagaw niya ito kay Oswaldo Novoa ng Mexico noong Nobyembre 2014.
May pagkakataon ang Philippine minimumweight champion na si Taduran na dungisan ang malinis na kartada ng kalaban at maipaghiganti ang mga Pilipinong tinalo nito sa kanilang paghaharap ngayong Agosto 28 sa Thailand.
Kapansin-pansin na ang lahat ng naunang 50 laban ng 32-anyos na si Moonsri ay ginanap din sa Thailand at ito namang si Taduran ay ngayon pa lang lalaban sa labas ng Pilipinas.
Sina Moonsri at Mayweather ay parehong may 50-0 baraha pero si “Pretty Boy” ay may mas maraming knockout win kaysa kay “Dwarf Giant”, 27-18.
Si Taduran ay may ring record na 12 panalo at isang talo pero naniniwala siyang kaya niyang dungisan ang record ni Moonsri. Kasalukuyan siyang sinasanay ni dating IBF light flyweight champion Tacy Macalos.
Isa si Games and Amusements Board (GAB) chairman Abraham Kahlil “Baham” Mitra sa naniniwala sa kakayahan ni Taduran.
‘Yun nga lang, ang payo ni Mitra ay “patulugin niya ang kalaban” dahil may reputasyon itong isang “magulang” at “madiskarteng” fighter. Kung mapapabagsak ni Taduran ang kalaban, maiiwasan din ang paborableng hometown decision para sa Thai veteran boxer.
“Pedro Taduran faces a formidable opponent who happens to have won over many Filipinos,” sabi ni Mitra.
“I offered a cash incentive from my own personal fund to Pedro if he beats the guy who is at par with Mayweather’s record. If he wins, he will surely make a mark in the world boxing stage.”
Samantala, nasa ere pa rin ang hamon ng rematch ni Pacquiao kay Mayweather na nagretiro sa boxing matapos na makuha ang kanyang ika-50 panalo laban kay mixed martial arts champion Conor McGregor noong Agosto 2017.
Magugunitang tinalo ni Mayweather si Pacquiao sa kanilang sagupaan noong 2015 pero matapos na pabagsakin ni Pacquiao si Lucas Mathysse ng Argentina nitong Hulyo ay muling nagpahiwatig ng kahandaan si Pacquiao na labanang muli si Mayweather.
Sa modern boxing era, ang kinukunsiderang record na may pinakamaraming panalo at walang talo ay hawak ni Mexican flyweight Ricardo Lopez na may 51 wins, zero loss at isang draw.
Ito ang record na nais mapantayan ni Moonsri sa Agosto 28 laban sa isang bagito pero determinadong Pinoy boxer.
Laban lang para sa bayan, Pedro Taduran Jr.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.