PANGARAP ng tatay ni Tyrone James o TJ Ortega na maging seaman din siya sa kanyang paglaki.
Ngunit sa halip na sundan ang yapak ng ama, mas nag-enjoy siyang sumali sa iba’t ibang gay beauty pageants.
Yan ang isang bahagi na matutunghayan sa madrama ngunit makulay na life story ni TJ Ortega o mas kilala bilang si Juliana Pariscova Segovia, ang kauna-unahang Miss Q And A ng It’s Showtime sa Maalaala Mo Kaya.
Sa edad na 6, naiwan si TJ sa pangangalaga ng kanyang amang si Reydante habang nagtatrabaho ang ina niyang si Cynthia bilang domestic helper sa Hong Kong. Bilang nag-iisang anak, nais ng kanyang magulang na maging seaman din siya tulad ng kanyang tatay.
Ngunit mamumulat siya sa panghuhusga sa murang edad dahil sa malambot niyang pagkilos kumpara sa mga maskuladong lalaki sa kanilang lugar sa Pasay.
Sisikapin niyang kumilos ng mas panlalaki para sa kaniyang bruskong tatay at OFW na nanay, bagamat taliwas ito sa natural niyang pagkatao at damdamin. Matapos mamatay ang kanyang ama ay maninirahan siya sa Isabela, kung saan nagpatuloy ang pang-aalipusta sa kanya.
Malalaman ng kaniyang ina ang sinapit ni TJ at ibabalik siya nito sa Pasay. Bagamat tanggap ni Cynthia, ang pagkatao ng anak ay papaalalahanan niya ito na huwag magdamit babae upang hindi siya makutya ng ibang tao.
Subalit sa pagdadamit babae at pagsali sa mga beauty contest mahahanap ni TJ ang kaniyang tunay na sarili at kaligayahan kaya naman at masusuway niya ang bilin ni Cynthia, na magdudulot ng pagkasira sa relasyon nilang mag-ina.
Makuha kaya ni TJ ang korona ng tagumpay at pagtanggap mula sa mga taong mahal niya?
Kasama rin sa episode na ito sina Elizabeth Oropesa, Nonie Buencamino, Josh de Guzman, Milo Elmido at Onse. Ang episode na ito ay sa direksyon ni Dado Lumibao at sa panunulat nina Arah Jell Badayos at Benson Logronio.
Ang MMK ay pinamumunuan ng business unit head na si Roda dela Cerna.
Napapanood pa rin ang longest-running drama anthology sa Asya, ang MMK hosted by Charo Santos tuwing Sabado sa ABS-CBN.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.