INUUSIG kami ngunit di napababayaan; naibubuwal, ngunit di nagugupo. Iyan ang Pagninilay sa Unang Pagbasa sa Ebanghelyo (2 Cor 4:7-15; Sal 126:1-6; Mt 20:20-28) sa kapistahan ni San Santiago apostol.
Dininig ang panalangin ng mga pari at consecrated persons at higit pa ang ibinigay: sa kabuuan ng SONA, di nagmura ang mapanlait na Duterte. Nakatuon ang atensyon ni Duterte sa bata na mamumuno sa panalangin. Dalawang beses naudlot ang bata at di nakapag-umpisa. Natuloy sa ikatlong pagtatangka, dahan-dahan, at malinaw na sinambit ang respeto’t pagtitiwala sa lider. Di inaalis ni Duterte ang pakikinig sa bata; baka may banggitin ito. Natapos sa kabanalan ang panalangin. Bumaba ang Espiritu Santo sa lider.
Pero, kay bilis naglaho ang SONA. Uminit at tumagal ang satsat sa mataas na puwesto na iginawad kay Gloria Arroyo. Sang-araw na natulala at nang kumibo ay pinupunit na si GMA. Hindi hinangad ni GMA ang trono kundi nais ni Inday at iginawad naman ng mayorya. Kuwalipikado si GMA, para kina Digong at Inday Sara. Hindi kuwalipikado sa ganyan kataas na luklukan si Grace Poe (hindi pa pinal ang desisyong “statistically probable”).
Muling binuhay ang “Pajero bishops.” Sa pagdinig sa Senado, walang natuntong Pajero kundi segunda manong 4×4 ang ibinigay sa mga pari. Mortal na kasalanan ang akusasyong Pajero dahil ito’y paglabag sa Ikawalong Utos ng Diyos. Binuhay ang akusasyong kawatan si GMA, pero walang napatunayang pagnanakaw at pandarambong ang Korte Suprema.
Hindi naghintay nang matagal ang langit at iginawad ang hustisya kina Corona at GMA. Sa kasong Corona, talsik si Sereno. Sa inapi at dinustang Arroyo, naisulat pa sa kasaysayan na siya ang unang babaeng Speaker ng House of Representatives. Mayayabang ang mga kongresista, likas papaya yan. Pero, di ba’t ang mayayabang ay galit sa kapwa mayabang? Babay.
Pabalat-bunga ang banggit sa kahirapan sa SONA. Poverty ang tawag nila, pero di turan ang kahirapan ng pamilya kariton, pamilya tulay, pamilya bangketa at pamilya pedicab na nabubuhay sa P10,000 pababa buwan-buwan. Hindi rin binanggit ang wala nang nagpapakain sa mga ketongin sa ospital sa Tala, na ang mga pari’t layko na lang ang nag-aasikaso – hanggang sila’y mamatay. Pero, dadagdagan pa ang CCT sa mahihirap na walang pangalan at datus sa gobyerno. Ghost poor.
Ngayong parami nang parami ang nahuhuli sa ilegal na droga, tama lang na gawing “chilling” ang kampanya. Sa Diocese of Malolos, hindi kumokontra ang mga pari sa mga nahuhuli. Nagtatanong lang sila kung may napapatay. Bukas na aklat sa mga komunidad sa North Caloocan ang mga nagagahasa ng drug users, na hindi naman nila pinapatay, kamag-anak man o hindi. Ang mga purok leader ang unang nakaaalam nito at nakukuha ang karamihan sa areglo.
Ayon sa mga laykong SVD na linggu-linggo ay may misyon sa Quezon City Jail, marami na ang nagdarasal na mga bilanggo. Sa siksikan, nakita ng mga bilanggo ang Diyos. Sayang. Walang mga layko na nagmimisyon sa loob ng Pook Bimbinan sa Crame. Nagdarasal na raw si De Lima. Ang pagdarasal ay pakikipag-usap sa Diyos at pagbabalik-loob sa Kanya sa pamamagitan ng pag-amin sa mga kasalanan, pagsisisi at pangakong iwasan na ang daan ng sala. None of the above pa.
USP (Usaping Senior sa Palengke, Calumpit, Bulacan): Paracetamol pension ang tawag sa kakarampot (P5,000) pensyon buwan-buwan; pambili na lang ng generics. May nanghihingi na lang ng pagkain sa naghihirap na anak. May nanghihingi sa mabubuting may kaya sa buhay. Masakit tanggaping wala na sila sa radar ni Digong.
PAGBABAHAGI sa Nilayan (Nilay-ugnayan sa Minuyan, San Jose del Monte City, Bulacan): Pagkalipas ng apat na buwan, tanggap na ni Jum na napatay sa enkuwentro ang asawang first-time drug user. Napatay ang asawa at nakatakas ang tatlong ka-jamming. Tagumpay ang paggabay ng layko at voluneer psychiatrist kay Jum. Ang kanyang pagluluksa noon ay “fear of the unknown” lang pala. Ngayon, masigasig na siya sa buhay at di na iibig sa showbiz (mabisyo).
PANALANGIN: Dakila nga ang ginawa sa amin ng Panginoon kami’y talagang nagagalak. Salmo 126:3
MULA sa bayan (0916-5401958): Bakit hindi hinuhuli ang Moro na tulak dito? …3220, Hinaplanon, Iligan City.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.