MUKHA nga. Wa epek ang mga political debates na isinagawa noong Nobyembre at Disyembre. Pinanood, pinakinggan at binasa sa mga pahayagan. Pero, ang lumabas sa mga pahayagan ay hindi ang kabuuan, kundi ang tampok ng debate na iniulat ng reporter, base sa kanyang pasya na kailangang mailathala sa pahayagan. Bago magtapos ang Disyembre 2009, nangalap ang Bandera ng pahapyaw na komentaryo, natutunan o naaalala sa mga debate, lalo na ang isinagawa ng mga networks. Mula sa reader database ng pahayagan, tinanong natin ang taumbayan. Nakalulungkot na walang nagsikap na katasin ang buod ng kanilang napakinggan.
Kapuna-puna na mas naalala pa ng ilan ang ilang sinabi ni ex-President Joseph Estrada. Iilan ang pumuri kay Gibo Teodoro.
Nasaan ang problema sa mga nanood, nakinig at nagbasa ng political debates? Handa na ba ang Pinoy sa political debates? May kaalaman na ba, sapat man o hindi, ang masa sa political debates?
Bakit nila naalala si Erap? Dahil ba siya ang pinakakilala sa mga nag-debate? Anong linya ang naalala nila sa sinabi ni Erap?
“Alam ko yan, dahil ako’y naging presidente na,” ang linyang naaalala nila na palaging sinambit ni Estrada sa debate. Pero, kung pag-aaralan natin ang “relevance, rhetoric, clear head, accent, flattery, air of expertise, emotional coloration of language, claim, proposal, theory, argument,” mga himaymay ng political debates di lamang sa bansa kundi sa Amerika, United Kingdom at France, wala ni isa rito ang mga sinabi ni Estrada.
Ang linya ni Estrada ay tinaguriang “persuasion.” Ang panghihikayat, pangyayakag at paanyaya ang pinakamahinang elemento sa political debate. Bagaman kinikilala na isang paraan (isa lamang) na ginagamit ng mga nagdedebate para magkaroon ng bigat at timbang ang isang tema o kanilang paninindigan, walang saysay ito kung isasailalim sa pagsubok at paghusga ng “critical thinking” at “critical perception.”
Masalimuot at malalim ang political debates. Sa Estados Unidos, bago simulan ang debate ay pinaghahandaan ng mga makikinig ang mga isyung tatalakayin, nang sa gayon ay alam ng mga makikinig kung sila’y isinasakay sa tsubibo ng mga politiko, at matatalino kuno.
Handa na ba ang Pinoy sa political debates?
BANDERA Editorial, 010410
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.