Naglaslas matapos gahasain, tapos kakasuhan pa! | Bandera

Naglaslas matapos gahasain, tapos kakasuhan pa!

Susan K - July 11, 2018 - 12:10 AM

MAG-AAPAT na buwan pa lamang sa Jeddah ang Pinay OFW na may inisyal na J. Ngunit sa maikling panahon ng kaniyang pagtatrabaho roon, naranasan niya ang masaklap na karanasang hindi niya inaasahan.

Ginahasa umano si J ng anak ng kaniyang employer nang namalagi sila ng ilang araw sa bahay nito.

Matapang naman na naisumbong ni J sa kaniyang amo ang ginawa ng anak nito. Nag hunger strike si J, at nagmakaawa sa employer na ibalik na lamang siya sa kaniyang ahensiya sa Jeddah.

Hindi pumayag si madam. Gagawin lamang daw niya iyon kung magbabayad si J ng 40,000 Saudi Riyal o katumbas ng mahigit sa kalahating milyong piso.

Sa isip ni J, saan nga naman siya kukuha ng ganoong halaga? Samantalang kung tutuusin, siya ang biktima sa sitwasyong ito. Pero ayaw pa rin siyang payagang makaalis ng kaniyang employer.

Kaya’t nang walang epekto ang ginawa niyang hunger strike, doon niya naisipang maglaslas ng pulso at saka tumakas sa bahay ng amo.

Kasalukuyang nasa kustodiya na siya ng Konsulado ng Pilipinas ngayon sa Jeddah.
Wala na ring balak pang magsampa ng kaso si J laban sa anak ng employer at hangad na lamang niyang makauwi sa lalong madaling panahon.

Kaugnay sa kasong ito, nagpaalala naman si Consul General Edgar Badajos na mayroong kaparusahan na isang taong pagkakulong sa sinumang masangkot sa suicide attempt sa Saudi Arabia.

Komento tuloy ng isa nating OFW, dapat pala, kung magpapakamatay sa Saudi, kailangang matutuluyan talaga. Dahil kung hindi, makukulong pa pala siya.

Pero sa kaso ni J, sa halip na papanagutin ang anak ng employer na nanggahasa sa kaniya, siya pa ngayon ang makakasuhan dahil nga sa paglalaslas ng kaniyang pulso.

Napakahirap talagang mabuhay sa napakapa-nganib na panahong ito. Araw-araw, napapaharap tayong lahat sa napakaraming hamon at problema sa buhay.

Pero kailangan nating lumaban at huwag sumuko. Dahil kapag nangyari yan, kayo pa rin ang talo at kailan man, hindi nananalo ang taong sumusuko.

Patuloy na lumaban at isiping palaging may katapusan ang bawat problema.

Palaging tandaan, lahat ng problema ay may solusyon. Dahil kung walang solusyon, wala silang dapat problemahin.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM(M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziqHelpline: 0998.991.BOCW E-mail: [email protected]/[email protected]

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending