NASAWI ang 32-anyos na lalaki at tatlo niyang anak nang lamunin ng apoy ang isang grupo ng mga bahay sa bayan ng Sultan Kudarat, Maguindanao, Martes ng umaga, ayon sa mga otoridad.
Nasawi si Damus Araneta at mga anak niyang sina Dagul, 7; Vina, 5; at Mujahid, 3, sabi ni Senior Insp. Ronald Ampang, tagapagsalita ng Bureau of Fire Protection-Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Nagsimula ang sunog sa bahay ng mga Araneta sa Sitio Niyog, Brgy. Katuli, dakong alas-2:10 at mabilis kumalat sa mga katabing bahay, na pawang mga gawa sa “light materials,” sabi ni Ampang nang kapanayamin sa telepono.
Rumesponde sa insidente ang mga bumbero ng Sultan Kudarat at ilan na mula pang Cotabato City, at naapula ang apoy alas-3:05, matapos nitong umabot sa “first alarm,” aniya.
“Unfortunately, one of the houses had four family members who were not able to exit,” sabi naman ng ARMM sa ulat nito, patukoy sa mga Araneta.
Tila ikinulong ni Damus ang sarili at kanyang mga anak sa bahay, anang isang source, gamit bilang basehan ang inisyal na imbestigasyon.
“According to some witnesses, ‘yung tatay parang pinako niya ang mga pinto. Nung ma-put out na ang sunog, nakita daw na mahigpit ang hawak niya sa mga anak. Parang di sila makaalis,” sabi ng source sa Bandera.
Napag-alaman sa pulisya na ang asawa ni Damus ay nagtatrabaho bilang kasambahay sa Gitnang Silangan.
Ayon kay Ampang, patuloy pa ang imbestigasyon para maberipika ang mga naglabasang impormasyon.
Bukod sa mga nasawi, nagdulot din ang sunog ng aabot sa P300,000 halaga ng pinsala sa ari-arian, aniya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.