Final team standings: Rain or Shine (9- 2); Alaska (8-3); TNT (8-3); Meralco (7-4); San Miguel Beer (6-5); Barangay Ginebra (6-5); Magnolia (6-5); GlobalPort (5-6); Phoenix (4-7); Columbia (4-7); NLEX (2-9); Blackwater (1-10)
NASIGURO ng TNT KaTropa ang ikatlong puwesto matapos nitong putulin ang winning streak ng nangungunang Rain or Shine Elasto Painters, 100-85, sa pagtatapos ng eliminasyon ng 2018 PBA Commissioner’s Cup Sabado sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Nakatabla ang KaTropa sa ikalawang puwesto na may nakatayang dalawang beses tataluning insentibo sa kabuuang 8-3 panalo-talo subalit mapupunta ang silya sa Alaska sa pamamagitan ng winner-over-the other rule matapos itong mabigo sa kanilang paghaharap ng Aces.
Nawalan din ng saysay ang ikalawang sunod na panalo at pagputol ng KaTropa sa anim na sunod na pagwawagi ng Elasto Painters dahil mananatili ito sa paunahan sa dalawang panalo na matira-matibay na salpukan sa quarterfinals.
Tanging sa unang yugto lamang naging mahigpit ang labanan matapos na hawakan ng KaTropa ang 24-20 bentahe bago nito itinala ang pinakamalaking 22 puntos na kalamangan sa laro.
Nanguna para sa KaTropa si import Joshua Smith na kahit nakamaskara dahil sa injury ay nagtala ng 25 puntos, 13 rebound at 1 assist habang tumulong si Jeth Troy Rosario na may 19 puntos, 8 rebound at 1 assist.
Makakaharap ng KaTropa sa best-of-three quarterfinals na magsisimula Lunes ang nagtatanggol na kampeong San Miguel Beermen na tinalo ng Magnolia Hotshots, 101-97, sa ikalawang laro kahapon.
Parehong nagtapos na may 6-5 panalo-talo kartada ang Beermen, Hotshots at Barangay Ginebra Gin Kings.
Makakaharap ng Magnolia ang Alaska habang makakatapat ng Barangay Ginebra ang Meralco Bolts sa quarterfinals.
Magtatapat naman ang Rain or Shine at GlobalPort Batang Pier.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.