No. 2 spot at twice-to-beat incentive nasiguro ng Alaska Aces
PBA games ngayong Hulyo 7
(Araneta Coliseum)
4:30 p.m. TNT vs Rain or Shine
7 p.m. San Miguel Beer vs Magnolia
SINIGURO ng Alaska Aces ang pag-okupa sa ikalawang silya matapos nitong tuluyang patalsikin ang Phoenix Fuelmasters sa paghugot ng 114-91 panalo upang agad na kumpletuhin ang kailangang walong koponan sa quarterfinals ng 2018 PBA Commissioner’s Cup Biyernes ng gabi sa Cuneta Astrodome, Pasay City.
Agad na naghulog ng 34 puntos sa unang yugto pa lamang ang Aces habang nilimitahan nito sa 17 puntos lamang ang Fuelmasters upang maagang kontrolin ang laban at tuluyang sandigan tungo sa pagsungkit sa kabuuan nitong ikawalong panalo sa 11 laro.
Hindi lamang naputol ng Aces ang nalasap na dalawang sunod na kabiguan kundi nahablot pa nito ang dalawang beses tataluning insentibo sa pagsungkit sa ikalawang puwesto kahit na magtabla pa ito ng TNT KaTropa na tinalo nito sa kanilang tanging paghaharap.
Tanging ang KaTropa na lamang ang may tsansang makaabot sa walong panalo at tumabla sa Aces.
Dahil sa panalo ng Alaska ay nabitbit nito papasok sa quarterfinals ang Barangay Ginebra Gin Kings, GlobalPort Batang Pier at Magnolia Hotshots na aalamin na lamang kung ano ang ookupahang puwesto sa pagtatapos ng lahat ng mga laro sa eliminasyon.
Hindi na pinabayaan pa ng Aces na mapababa sa 10 puntos ang kanilang kalamangan sa buong laro kung saan ay nagawa pa nitong iangat ang kanilang abante sa 27 puntos sa ikaapat na yugto.
Muling sinandigan ng Aces si Vic Manuel na nagtala ng 28 puntos, 9 rebound at 2 block habang nag-ambag ang bagong import nito na si Diamon Simpson ng 18 puntos, 19 rebound at 4 assist.
Samantala, iiwas sa kumplikasyon ang TNT sa pagsagupa sa Rain or Shine Elasto Painters sa kanilang laro ngayon sa Smart Araneta Coliseum.
Magsasagupa ganap na alas-4:30 ng hapon sa napakaraming nakataya at importanteng labanan ang KaTropa at Elasto Painters bago sundan ng napakahalaga rin na salpukan sa pagitan ng magkapatid na San Miguel Beermen at Magnolia Hotshots sa ganap na alas-7 ng gabi.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.