Jay-R hindi maramot sa mga baguhang R&B singer
NAGING guest namin sa “Cristy Ferminute” ang magaling na singer na si Jay-R. Tumaas na pala ang kanyang posisyon ngayon sa mundo ng R&B, hindi na siya prince, King of R&B na ang hawak niyang titulo ngayon.
Unang pagkakataon namin siyang nakilala nang personal, ibang-iba pala ang kanyang itsura nang malapitan, unang mapapansin sa binatang singer ang malalantik niyang pilikmata.
Beinte dos anyos na siya nang magdesisyong manatili dito sa atin, ipinanganak siya at lumaki sa Glendale, California, pero ang kanyang ugali ay Pinoy na Pinoy pa rin.
Mas matatas na siyang mag-Tagalog ngayon, kapag gusto nga naman ay maraming paraan, pero kapag ayaw ay maraming dahilan. Hindi pumayag ang aming mga tagapakinig-tagapanood na hindi niya kinanta ang pinasikat niyang “Bakit Pa Ba,” na sinundan niya naman ng “Kumusta Ka?” na mula sa kanyang pinakahuling album, at ang theme song ng pelikulang “Dito Lang Ako.”
Wala siyang kayabang-yabang kahit pa meron na siyang maipagmamalaki, mapagkumbaba si Jay-R, ramdam ‘yun sa kanyang pagsasalita at mga galaw.
Sa minsanang pagkakataon ay nakuha niya ang aming kalooban, gustung-gusto siya ng staff ng “CFM”, lalo na ng aming co-host na si Wendell Alvarez na matunog na tinatawag ng Tito Wendell ng magaling na singer.
Sabi nga ni Mr. Robertson Tan, ang may-ari ng Blade Car Accessories at producer din ng pelikulang “Dito Lang Ako,” wala raw kahirap-hirap kausap at katrabaho si Jay-R.
At hindi siya maramot, siya ang itinuturing na ninong ng mga mas batang R&B singers, dahil may sarili na siyang record label na Homeworkz na nagbibigay ng oportunidad sa mga batang musikero.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.