ISA sa tinamaan ng matindi nang ipatupad ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion o Train Law ay ang industriya ng horse racing sa bansa.
Actually, ilang taon na ring bumababa ang benta sa karera at nang isabatas nga ang Train ay nadagdagan pa ang pasanin ng industriya.
Dahil dumoble — from 10% to 20% — ang documentary tax ay umabot na sa 38% ang kabuuang tax na napupunta sa gobyerno mula sa karera.
Well, hindi naman masama dahil napupunta naman sa kaban ng bayan ang bahagi ng kinikita sa karera pero sa tinatakbo ng mga numero ay nangangamba ang Bayang Karerista na baka bumigay at tumiklop ang buong industriya.
Nag-umpisa ang Train Law nitong Enero lamang kung saan target ng gobyerno na makalikom ng karagdagang P89.9 bilyon mula sa buwis.
Silipin nga natin kung magkano ang kinita ng karera mula Pebrero hanggang Mayo at ikumpara natin ito sa kinita sa parehong buwan noong isang taon.
Nitong Pebrero ay may total sales na P512,680,099 ang tatlong karerahan ng bansa — Metro Turf sa Malvar, Batangas, Manila Jockey Club (San Lazaro) sa Carmona, Cavite at Philippine Racing Club (Sta. Ana) sa Naic, Cavite — pero mas mababa ito ng 15.05% mula sa sales nito noong 2017 na P603,497,183.
Lumala pa ito noong Marso dahil kumita lamang ito ng P481,211,471 kumpara sa P645,063,975 noong isang taon for a huge drop of 25.40%.
Hindi gumanda ang figure nitong Abril dahil nakakulekta lamang ng P465,255,877 kumpara sa P566,803,553 noong 2017. That’s minus 17.92%.
Nitong Mayo ay may sales lamang na P452,129,687 which is 22.71% lower than last’s year’s P585,028,381.
Hindi mo na kailangang maging henyo para matanto na kung wala kang gagawin o babaguhin ay magpapatuloy ang pagsadsad ng benta. Hindi naman kasi lahat ng benta ay napupunta sa mga racing club. Malaking bahagi rin ang napupunta sa premyo ng mga nanalong kabayo at ‘yun nga, sa buwis ng gobyerno.
Pero hindi lang naman ang malaking tax ang problema ng karera, e. Maraming factors ‘yan kung bakit humihina ang benta sa karera.
Dalawa sa inaarayan ng mga karerahan ay ang paglaganap ng online sabong at mga illegal bookies.
Hindi naman masama ang online sabong, alam naman nating diyan na talaga papunta ang teknolohiya.
Kaya lang, itinatabi ang online sabong sa ilang off-track betting (OTB) station sa Metro Manila at ‘yung ibang mananaya ng karera ay naeengganyong tumaya na rin sa online sabong.
Sa usaping legal naman ay hindi pa napapasailalim sa Games ang Amusements Board (GAB) ang online sabong kaya walang revenue ang national government dito hindi tulad sa mga OTB.
Malaking tinik din sa lalamunan ng mga karerahan ang illegal bookies na kayang mag-alok ng mas malaking bigay sa mga mananaya dahil nga hindi sila nagbabayad ng tax sa gobyerno.
Nais ng tatlong karerahan na mas paigtingin pa ng GAB ang kampanya nito laban sa mga illegal bookies.
Nangako naman si GAB chairman Abraham Kahlil “Baham” Mitra na tutulong sa problemang ito ng horse racing industry.
Ayon kay Mitra, mula nang maupo siya bilang chairman noong 2016 ay mahigit 10 illegal bookies na ang kanilang na-raid at kinasuhan sa tulong ng National Bureau of Investigation (NBI).
Inamin din ni Mitra na mahirap matukoy ang mga illegal bookies dahil hindi mo na kailangan ngayon ng isang malaking kuwarto para magpatakbo ng sugalan. Mobile phone lang at internet ay pwede ka nang magpataya sa karera na napapanood sa cable TV at kung minsan ay naka-live stream pa sa internet.
Isa sa naisip na paraan ng tatlong karerahan para labanan ang illegal betting operations ay ang pagbawas sa Daily Double (DD) at Forecast (FC) betting scheme. Umpisa nitong Martes ay sa huling dalawang karera na lamang ang DD at nasa pinakahuling karera ang FC.
Hindi pa naman luging-lugi ang mga karerahan. Kumikita pa naman ang mga ito. Humihingi lang sila ng kaunting tulong sa gobyerno lalo na sa Philippine Racing Commission (Philracom) na siyang governing at regulating body ng horse racing sa bansa.
Konting suporta naman diyan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.